Banta ng impeachment iniumang sa SC justices!

Nitong Marso 22, daan-daang mga pro-lifers ang nagmartsa mula T. M. Kalaw Street hanggang Quirino Grandstand, tangan ang imahe ng Mary Mediatrix of All Grace, bilang pagprotesta sa RH Law na siyang dedesisyunan ng Korte Suprema ngayong Abril.
Nitong Marso 22, daan-daang mga pro-lifers ang nagmartsa mula T. M. Kalaw Street hanggang Quirino Grandstand, tangan ang imahe ng Mary Mediatrix of All Grace, bilang pagprotesta sa RH Law na siyang dedesisyunan ng Korte Suprema ngayong Abril.

MANILA — Ilang miyembro ng Mababang Kapulungan na pinangungunahan ni OrientalMindoro Rep. Reynaldo V. Umali (2nd district) ang muling nagbanta ng impeachment laban sa tatlong ‘di pinangalanang miyembro ng Korte Suprema.

Ayon kay Umali, panahon na upang panagutin ang ilang tiwali sa Korte Suprema na ayon sa una ay tila lumalagpas na sa tungkulin.

Matatandaang ibinasura ng Korte Suprema ang legalidad ng 2013 Pork Barrel na siyang isa sa mga nakikitang dahilan upang patalsikin sa puwesto ang ilang mahistrado ng kataastaasang hukuman.

Isa pa diumanong dahilan ay ang desisyon ng Korte Suprema na Ipapawalang-bisa ang pagkapanalo ni Regina Ongsiako-Reyes bilang Kinatawan ng Marinduque.

Sa House Resolution (HR) No. 597, kinikilala ang Kamara de Representantes bilang tanging may karapatan sa usaping electoral protest laban sa mga mambabatas.

Ilang kilalang tagapagtaguyod ng kontrobersyal na RH Law naman ang nagpakita ng suporta sa naturang banta ng impeachment, kabilang na sina Ilocos Norte Rep. Rodolfo C. Fariñas (1st district), Dinagat Island Rep. Arlene J. Bag-ao at Iloilo Rep. Niel C. Tupas, Jr. (5th district).

Noong nakaraang isang taon ikinabahala ng ilang miyembro ng Kamara angpagpapalawig ng status quo ante order (SQAO) laban sa RH Law.

Matatandaan sa kanyang privilege speech, ibinulgar ni senador Jinggoy Estrada ang dagdag na pork barrel na insentibo sa mga mambabatas kapalit ng pagboto pabor sa dating RH Bill (SB 2865) at pagboto sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona.

Kilala rin ang mga nabanggit na sumusuporta sa impeachment bilang mga tumayong prosekutor ng napatalsik na dating Chief Justice ng Korte Suprema.

Samantala,mahigit kumulang 3,000 katao mula sa ibat-ibang Katolikong organisasyon ang nagmartsa kamakailan upang ipahiwatig ang mariing pagtutol sa Republic Act (RA) 10354 o kilala bilang Reproductive Health (RH) Law na naglalayong kontrolin ang populasyon sa bansa.

Nakatakda namang ganapin sa Baguio sa darating na Abril 8 ang huling bahagi ng deiberasyon ng Korte Suprema sa RH Law at maaaring sa mga susunod na araw ay pagdesisyunan na rin ng Korte Suprema ang kahihinatnan ng Disbursement Acceleration Program (DAP), kilala bilang president’s pork barrel na unang nang isiniwalat na pinagmulan ng mga insentibo para sa pagboto pabor sa RH Bill at pagboto sa pagpapatalsik kay CJ Corona.

You May Also Like