Bakit walang tigil ang mga problema?

Dear Ate Ami,

Ako po ay isang simpleng taga-Tondo, may asawa’t tatlong anak. Ako na yata ang pinakamalas na tao sa mundo dahil kahit anong gawin ko ay parang mailap sa akin ang tagumpay. Dati ay namasukan ako sa isang pabrika ng apat na taon, sumunod ay sa isang kumpanya bilang delivery staff. Tumagal ako doon ng halos sampung taon, pero sa kasawiang palad ay nagsara ang kumpanya tulad ng una kong pinasukan. Sa pamamagitan ng maliit naming ipon ng aking asawa, nagsimula ako ng maliit na negosyo (pandesal) ngunit itinigil na rin namin dahil sa mga utang ng customer na parang kinalimutan nang may utang sila sa amin. Alam kong sipag at tiyaga lang ang kailangan pero bakit parang kahit ano po ang gawin ko, kapalpakan ang laging kinalalabasan? Tulungan niyo po ako dahil hindi ko na makita ang kabuluhan nitong pagiging mabait; ang mga kaibigan ko pong mga walanghiya (ipagpaumanhin niyo po ako sa pagsabi nuon) ang siyang umaangat at masaya sa kanilang mga katungkulan habang kami ng pamilya ko ang nasusuklian ng hirap para sa pagpapakabait. Gusto ko rin po naman bigyan ang aking misis at mga anak ng mas maginhawang buhay.

– Tonio ng Tondo

Dear Tonio ng Tondo,

Unang una, ipahintulot mong sabihin ko muna sa iyo na “feel na feel” ko iyang sinasabi mo, dahil nagdaan din ako diyan.  Alam mo kasi, dito sa trabaho ko sa pamamahayag, kailangang tapat ako sa tungkulin kong hanapin ang katotohanan at iyon ang iparating sa mamababasa.  Siyempre, “press” ako, madaming “nangliligaw” sa akin para mapakinabangan nila ang istado ko sa media.  Pero hindi ko maatim na tanggapin ang “friendship” nila pagkat iyon ay mangangahulugang hindi na ako magiging tapat sa tungkulin, sa tao, sarili ko, at sa Diyos.  Pero hindi madaling manindigan sa prinsipyo ko.

Dumaan ako sa matinding paghihirap tulad ng dinadanas mo ngayon, at pati ang Diyos ay halos sumbatan ko na rin, kasi eto ako, nagpapakabait nang buong puso, nagsusumikap maging tapat sa kalooban Niya, wala akong luho, pero hindi ako maubus-ubusan ng problema sa pera lalo na; inuutangan ako nang hindi binabayaran, dinidispalko ng katiwala ko ang pera ko, hindi tuloy ako makabili ng kotseng bago o laptop man lang, o makapagbigay ng malaki-laki sa mga charities ko—samantalang yung mga kasamahan ko sa trabaho na walang pakialam sa Diyos, hindi na nila kailangang paghirapan ang mga pasarap sa buhay, meron pa ngang masasarap ang buhay, yun pa ngang “kabit” me kotseng magara, me tsuper pa, magaganda ang damit, at maraming kaibigan.  Unfair si God, di ba?

Pero kalaunan, nakita ko na sa kabila nung mga bagay na meron sila, hindi pala payapa ang kalooban nila, hindi sila makuntento, laging naghahanap ng higit pa, at marami silang sakit.  Ako, walang luho, walang sakit.  Siguro dahil natutunan kong pasanin ang mga problema ko bilang pagdamay kay Kristong nagpakasakit gawa ng kasalanan ng iba, nahabag Siya sa akin.  Hindi “unfair si God” at hindi rin malas na nasa kalagitnaan tayo ng problema.  Mailap sa iyo ang tagumpay, sabi mo?  Pag-isipan mo ang aking mga sinabi, at subukan mong iluhog sa Diyos ang mga iniisip mo.  Bibigyan ka Niya ng liwanag para iangat ang istado mo sa buhay, sa Kanyang paraan.  Ibabalik Niya ang “balance” sa iyong buhay ng hindi mo namamalayan.  Basta gawin mo ang dati mong ginagawa nang buong tapat sa Kanyang mga alituntunin dahil mahal mo ang Diyos na nagbigay sa iyo ng hininga.

ate ami

– Ate Ami

May problema ka ba? Ikwento kay Ate Ami at ipadala sa dearateami@gmail.com. Huwag kalimutang ilagay ang iyong edad at trabaho para sa mas angkop na payo.

You May Also Like