Bakit mahalaga ang Pilipino bilang isang lahi

The DreamerTayong mga Pilipino talaga … ang hilig nating hatakin ang sarili nating pababa. Sa harap pa ng ibang tao!

Napakababa ng ating self-image. Eh kung tayo mismo, ang baba ng tingin sa sarili, eh papaano pa tayo rerespetuhin ng iba?
Bakit ba mas gusto natin punahin ang ating mga pagkukulang?

Kaya tuloy ang dami nang lumalabas sa Facebook at internet na mga sulat o komento ng mga dayuhan tungkol sa galing ng Pilipino at ganda ng ating lahi. Panay ang puri sa atin ng mga nagsulat ng liham na mga Koreyano at Amerikano. Tapos, makikita mo … kapwa Pilipino pa ang tumutuligsa at walang tiwala sa atin.

Self-flagellation. Masokista yata tayo at gusto nating saktan ang ating mga sarili.

Mukhang tama ata ang obserbasyon ng mga dayuhan na kulang tayo sa pagmamahal sa ating bansa … love of country.
Eh kung yun lang ang kulang, eh di eksakto ang timing ng mga nangyayari sa Sabah at West Philippine Sea para umigting at lalong mag-alab ang ating pagmamahal sa ating bansa.

Baka yan lang ang kailangan para magkaisa tayo bilang Pilipino at mangibabaw ang patriotism sa bawat Pilipino.
Mahusay naman talaga ang Pilipino – kung gugustuhin niya!

Tignan mo kung sino ang paborito ng mga taga-ibang bansa pagdating sa mga mag-aalaga sa kanila na duktor, nars, at caregivers? Pinoy siyempre! Pinay siyempre!

Pati sa mga teachers, ganun din … Pilipino ang first-choice nila.

Ngayon naman, naabutan na natin ang India sa pagiging most preferred BPO location sa buong mundo.

Napansin nyo rin ba na napaka-masunurin ng mga kababayan natin at napakasipag kapag nasa ibang bansa? Nag-e-excel, nangingibabaw sa ibang lahi.

Pero alam nyo ba kung saan nanggagaling ang lakas na yan ng Pilipino?

Sa pagiging maka-Diyos at maka-pamilya. Sa pagiging Mama’s boy.

Naniniwala ka ba na ang lahat ng nangyayari ay may dahilan at ayon sa banal na plano ng Maykapal?

Akala nyo ba na ikinalat tayo sa iba’t ibang sulok ng daigdig para lang maging bayani sa bansa sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga dollar remittances na nagpalutang sa ating ekonomiya nung mga nakaraang krisis pinansyal?
Napakababaw ng tingin natin sa ating sarili.

Sa plano ng Diyos, tayo ang ginagamit niya para ihatid ang mabuting balita sa ibang bansa. Tayo ang ginagamit niya para buhayin muli ang mga simbahang nagsara sa Europa, Australia, atbp.

Tayo ang ginagamit niya para ipadama sa ibang lahi na mahalaga ang pagmamahal, concern at affection sa ating kapwa taong may sakit, sa ating uugod-ugod na mga mahal sa buhay na retirado na ngayon, sa mga bata na ihinahabilin sa ating mga babysitter, sa mga taong kausap sa telepono na nangangailangan ng tulong o direksyon, at napakarami pang iba.

You May Also Like