Bakit binibinyagan ng mga Katoliko ang mga sanggol?

Apologetics photo“At sinabi sa kaniya, iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.” – Mateo 22:37

Una sa lahat, kapag tinanong ang mga Katoliko na ipakita kung saan sa Bibliya ang isang patikular na katuruan, ang una dapat itanong ng isang Katoliko ay, “Maaari mo bang maipakita sa akin kung saan sa Bibliya sinasabing lahat ng paniniwala ng Kristiyano ay dapat nasa Bibliya?” Hindi ito sinasabi sa mga kasulatan bagkus, ang sinasabi ng Bibliya na maraming mga bagay na hindi nakalahad sa mga kasulatan (Juan 16:12-13) at hindi dapat tignan ang Bibliya bilang haligi at pundasyon ng Katotohanan kung hindi ang Iglesya (1 Timoteo 3:15).

Hindi ito dahilan upang ipawalang bahala ang mga Kasulatan, na itinuturing na Salita ng Diyos; ngunit, sinasabing ang Kasulatan mismo ay nagsasabing hindi lahat ng katotohanan ng pananampalataya ay matatagpuan sa Bibliya. Sa Iglesya nananatiling sagrado ang Bibliya kahanay ng mga Tradisyon na namana mula sa sinaunang Kristiyano at turo ng Mahisteryo. Pinapanatili ng Iglesya ang pagiging sagrado ng Bibliya gaya ng pagturing nito sa kasagraduhan ng Katawan ng Panginoong Hesus.

Pangalawa, nararapat din nating itanong sa mga tumututol sa pagbibinyag sa sanggol, “Saan matatagpuan sa Bibliya na hindi dapat magbinyag ng sanggol?” Ang sagot, wala! Kung susuriing mabuti, ayon sa Bibliya ang pagbibinyag ay ginawa mismo sa “buong sambahayan” (Gawa 16:15 at Gawa 16:33). Sa sinaunang Israel ang “sambahayan” ay kinabibilangan ng mga bata at sanggol.
Samantalang itinuturing ng maraming Kristiyano na isang “ordinansya” ang pagbibinyag, kung saan ang isang nasa edad ay dapat sambitin ang paniniwala kay Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. Para sa mga Katoliko, ang pagbibinyag ay sakramento na pinatutunayan mismo ng simbolo ng pagpapabinyag ni Kristo at pinatutunayan ng pananampalataya ng mga magulang.

Samakatuwid, bakit nga ba binibinyagan ng mga Katoliko ang mga sanggol?

“Ipinanganak na may kahinaan ng tao mula sa orihinal na kasalanan na namana kay Adan at Eba. Ang mga bata rin ay nangangailangan ng muling kapanganakan o pagbabago mula sa Bawtismo upang makawala sa kapangyarihan ng kadiliman, upang makamtan ang kalayaan ng mga anak ng Diyos na napapabilang sa Kanyang kaharian, kung saan ang bawat isa ay tinatawag.”
Upang lubos na maintindihan ito, makikitang ang batayan ng pagbibinyag ng sanggol ay mula pa sa mga Hudyo kung saan gawain nila ang pagtutuli sa mga bata na mandato kay Abraham (Henesis 17:12). Ito ay pinatunayan naman ng Mosaic Law (Levitico 12:3), na siya namang ipinakita sa pagtutuli kay Kristo nang ikatlong araw mula nang maipanganak (Lukas 2:21). Noon, ang sinumang hindi tuli ay hindi pinahihintulutang makiisa sa mga gawaing pananampalataya.

Ang ritwal ng pagtutuli sa Lumang Tipan ay napalitan na sa Bagong Tipan ng ritwal ng pagbibinyag na parehong maaaring gawin sa mga sanggol. Ipinaliwanag ni San Pablo, “Sa kaniya, kayo ay nasa pagtutuli hindi sa pamamagitan ng mga kamay, upang hubarin ninyo ang mga kasalanan sa laman, sa pamamagitan ng pagiging nasa pagtutuli na kay Kristo. Kayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bawtismo. Dito, kayo rin naman ay muling binuhay na kasama niya sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, sa paggawa ng Diyos na bumuhay sa kaniya mula sa mga patay.” (Mga Taga-Colosas 2:11-12)

Nararapat ba na iisang-tabi ang mga sanggol sa pakikibahagi sa Diyos?

Ang regalo ng Diyos na mapabilang sa Kanyang kaharian ay para sa lahat, maging sa mga sanggol. Hindi namimili ang Diyos kung kanino Niya ipapamahagi ang Kanyang mga grasya. Sa mga Katoliko, ang pagbibinyag ng mga sanggol ay nagpapahayag ng katotohanan na walang pinipili ang Diyos.

Ang pagbabawtismo ay makapagliligtas ngayon, ani ng unang Santo papa sa kanyang unang kasulatan, “Ang tubig na iyon ang larawan ng bawtismo na ngayon ay nagliligtas sa atin. Hindi sa paglilinis ng karumihan ng makasalanang likas kundi ang tugon ng isang malinis na budhi sa Diyos. Ito ay sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesukristo.” (1 Pedro 2:21).

[Mark Silva]

You May Also Like