Bakit Bagay sa Pinoy ang Cyber libel?

The Jumping WallAksidente dulot ng mga concrete barrier sa mga kalsada sa Metro Manila ang isa sa madalas na bumubulaga sa atin. Karamihan ay hindi napansin; masyadong matulin magpatakbo; o kaya naman ay nakainom ang driver kaya ito nangyayari. Kung titingnan ang mga kalsadang may concrete barriers, karamihan naman dito ay parang ‘di naman kailangang lagyan pa ng mga ganito. Pero bakit mayroon nito? Dahil na rin sa mga salaulang ugali ng maraming tsuper na kung wala itong mga harang na ito, paniguradong kaliwa’t kanan ang mga counterflow, u-turn at paglikong wala sa lugar na malamang mas makadudulot pa ng mas maraming aksidente.

Marami din sa mga pader ang mababasa na-ting may nakasulat na ‘Bawal umihi.’ May mga lugar na nakasulat ang ‘Bawal magtapon ng basura.’ Mga ‘No smoking’ signs sa mga lugar na hindi naman dapat talaga pagsigarilyuhan. Marami ding mga delikadong kalsada na ang nakalagay ay bawal tumawid at may kasama pang mga bakal na harang sa mga center island. Pero kahit may harang at sign na, may tumatawid pa rin.

Mainit ngayon ang usapin sa Cyber libel. Marami ang kontra. Kahit ako ay hindi pabor sa pagiging krimen ng libelo. Isa na lang ata tayo sa natitirang mga kakaun-ting bansa na itinutu-ring na krimen ang libel. Sa iba kasi ay kasong sibil lamang ito. At mas lalo pa tayong naiba sa pagdagdag ng Cyber libel. Ma-rami ang nainis at natakot dahil sa pangambang baka magamit ito ng ilan sa pagtugis sa kanilang mga kalaban dahil ang simpleng pagpost ng status laban sa isang tao ay maaari nang magamit na ebidensya patungkol sa batas na ito.

Kung ano ang nangyayari sa pagbabawal sa mga bagay na kung tutuusin ay normal na dapat at hindi na ginagawa ng isang sibilisadong lipunan, ganon din ang nangyayari sa kalayaan nating magpahayag ng ating mga saloobin. Lagi na lamang nating naririnig na pinanghahawakan natin ang ating karapatan, ngunit hindi ang kaakibat na responsibilidad. Dahil na rin sa paglaganap ng social media at pag-usbong ng iba’t ibang platform sa internet tulad ng blogs, lahat tayo ay maaari nang maging tagapagbahagi ng mga impormasyon at opinyon sa maraming tao tulad ng isang tradisyonal na kumpanya ng media. Minsan pa nga ay mas malawak at mas malaki pa ang sakop ng mga ito. Subalit, kumpara sa tradisyonal na media na may sinusunod na panuntunan, walang batas na sumasakop at nagreregulate sa mga ito. Isa rin akong blogger at marami na akong nakita na mga kapwa kong blogger na ginagamit ang paraang ito sa hindi magandang bagay tulad ng pagbibigay ng impormasyon na kulang ng balanseng pagsasaliksik patungkol sa bagay na tinatalakay. At madalas din itong mangyari sa social media.

Para rin tayong mga pedestrian at mga tsuper na dapat pang lagyan ng concrete barrier at naglalakihang signboards para lang sundin ang batas na alam naman nating dapat nating gawin at sundin sa una pa lang. Masyado na nating sinasamantala ang ating mga karapataan at kalayaan. Kaya nakalulungkot sabihin at aminin na sa kalagayan ng bansa natin ngayon, mukhang mas kailangan nga talaga tayong magkaroon ng batas tulad ng Cyber libel.

theignoredgenius.blogspot.com / rogie_ylagan@yahoo.com

You May Also Like