Bahay ni Espinosa Imbakan ng shabu at baril

 

 

Ng: Tapat News Team (TMT)
 
IMBAKAN pala ng methamphetamine hydrochloride, o shabu at mga baril ang bahay ni Albuera, Leyte Mayor Ronald Espinosa, Sr.
 
Nabisto ang sikretong ito makaraang nakakumpiska ang tropa ng Philippine National Police (PNP) sa bahay ni Espinosa, Sr. ngayong umaga ng  Miyerkules.
 
Ayon sa ulat ng PNP – Leyte na ipinarating sa Kampo Crame, umabot sa P88 Milyong halaga ng shabu ang nakuha sa loob ng bahay ni Espinosa na matatagpuan sa Sitio Tinago, Brgy. Binolho sa bayan ng Albuera.
 
Dala ang search warrant na inisyu ng korte, ala sais ng umaga nang pasukin ng mga pulis ang bahay ng alkalde.
 
Umabot sa 11 kilo ng shabu, 12 camouflage, at samu’t saring gamit sa paggawa ng bomba ang mga nakuha ng mga pulis sa bahay ni Espinosa.
 
Nitong Martes, samu’t saring matataas na kalibre ng mga baril ang nakumpiska ng mga pulis sa bahay din ni Espinosa.
    
Dahil dito, naniniwala si Director General Ronald “Bato” dela Rosa na lalong tumitibay ang ebidensiya laban sa alkalde.
 
Makalulusot lamang si Espinosa sa korte hinggil sa mga nakumpiskang 11 kilo ng shabu, 12 camouflage, at mga materyales sa paggawa ng bomba kung ang mga ito ay hindi eksakto ang pagkakasulat sa search warrant kung saang bahagi ng bahay ni Espinosa, Sr. dapat kunin ang mga nasabing item.
 
Ito ang sinasabi ng mga abogado na absuwelto dahil sa teknikalidad.
 
Kaya, ang giit nila sa mga pulis na ipatupad nang wasto at eksakto ang nakasaad sa dala-dala nilang search warrant sa isinasagawa nilang operasyon upang hindi mapawalang sala ng korte ang akusado.  
 
Si Mayor Espinosa ay isa sa mga alkaldeng naunang ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na protektor ng sindikato ng shabu sa Eastern Visayas, o Region 7.
 
Leyte, Samar, at Biliran ang nakasasakop sa Eastern Visayas Region.
 
Sumuko si Espinosa kamakailan kay Dela Rosa kung saan ibinunyag niya na ang 24-taong-gulang niyang anak na si Ronald “Kerwin” Espinosa, Jr. ang totoong drug lord at hindi siya.
 
Ayon kay Dela Rosa, si Espinosa, Jr. ang hari ng shabu trafficking sa Eastern Visayas Region.
 
Pinapasuko ni Dela Rosa at maging ni Espinosa, Sr. si Ronald, Jr., ngunit hanggang ngayon ay nagtatago ito.
 
Mayroong utos na “shoot to kill” si Duterte laban sa mga Espinosa kung sila ay lalaban sa mga pulis na dadakip sa kanila.

You May Also Like