Bagong pasilidad ng PAGASA para sa bagyo, inilunsad

INILUNSAD ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomic Services Administration – Department of Science and Technology (PAGASA-DOST) nitong nakaraang linggo ang visual weather system at COSMO Numerical Model Prediction na may layuning magbigay ng mas tamang impormasyon sa publiko tungkol sa bagyo at ulan sa bansa.

Ayon kay PAGASA Administrator Nathaniel Servando, sa pamamagitan ng bagong pasilidad na galing pang Germany ay higit na magiging sentralisado ang monitoring station ng PAGASA mula sa limang regional centers nito sa buong bansa.

Sinabi ni Servando, na bagamat hindi pa masabi kung gaano ito ka-accurate, ipinagmalaki niya na mas pino ang resolusyon nito kaya’t mas mapapabilis na rin ang paglalabas nila ng impormasyon sa weather system.

Sa loob aniya ng apat na oras bago mangyari ang isang simpleng thunderstorm ay makapag-aabiso na sila sa publiko dahil nakikita ng bagong COSMO model ang pinagsama-samang impormasyong galing sa ground, air at satellite.

You May Also Like