Bagansyang Tulala?

meloKaraniwan kong naririnig ang katagang ito sa mga pulis-Maynila. Karaniwang ikinakaso sa mga taong walang maliwanag na direksyon at kinakikitaan ng pagkagulat sa oras na mabulaga ng pulis sa lansangan.

Bakit ba tila walang humpay ang suliraning hinaharap ng bansa at ng mga mamamayan? Tila walang liwanag kung ano nga ba ang pinag-ugatan ng sigalot sa Zamboanga. Hindi pa nakahihinga ang kinauukulan ay lumindol naman sa Bohol. Matapos ang tatlong linggo, hinagupit naman ni “Yolanda” ang Kabisayaan.

Maraming balita tungkol sa kabayanihan ng mga mamamayang nanatiling matatag sa pagsisimulang muli matapos mawala ang mga mahal sa buhay at mga ari-arian. Hindi biro ang pinsalang idinulot ng tatlong mga trahedyang naganap noong 2013.

Ang sabi nga po ay sa tuwing may pagsubok ay nakikilala kung sino ang may kakayahang humarap sa katotohanan. Hindi birong manirahan sa evacuation centers at maghintay ng mga rasyong pagkain. Mapalad ang nakatatanggap ng biyaya sa takdang panahon.

Ang masakit nito’y kung nababahiran pa ng iba’t ibang dahilan ang pagtulong sa mga biktima ng trahedya. Kakwentuhan ko ang isang nangangasiwa sa pag-eempake ng pagkain at relief goods at nabanggit niyang walang katuturan kung makapaghanda sila ng relief packs na aabot sa 50,000 kung wala namang pagsasakyan.
Nakarating din sa aking kaalaman na may mga ayudang nadala na sa Cebu, subalit hindi naman madala sa Samar at Leyte. Mayroon pa ring turf war ang mga pulitiko na dapat sana’y naayos ng mga opisyal ng pamahalan. Maaari namang maisantabi ang party affiliation sa ngalan ng mga mamamayan lalo’t higit na parehong mamamayan ang kanilang pinaglilingkuran.

Masakit na katotohanan ang ating hinaharap, sapagkat lumabas na wala tayong sapat na kakayahang tulungan ang ating sarili. Angkop na ba ang warning system tungkol sa mga papalapit na sama ng panahon? Anong nangyari sa mga capability-building seminars ng pamahalaan para sa mga opisyal ng pamahalaang lokal? Nasayang ba ang mga pagsasanay na ito sapagkat hindi napaghandaan ang mga trahedyang ganito?
Ilang buhay sana ang nailigtas kung naging angkop ang warning system? Ilang man-hours ang nawala sa mga manggagawa? Anong pinsala ang idinulot nito sa mga magsasaka at mangingisda?

Sabi nga ay “we were caught with our pants down” kaya hirap ang madla. Sino kaya ang makakasuhan ng “bagansyang tulala”?

You May Also Like