Azkals tiniris ang Cambodia, isusunod ang Turkmenistan

Pinagbidahan ni Phil Younghusband ang 8-0 pagwawagi ng Philippine Azkals laban sa Cambodia sa pagbubukas ng kampanya nito sa Group E ng AFC Challenge Cup qualifying tournament, Linggo ng gabi sa Rizal Memorial Stadium sa Malate, Maynila.

Apat na goals ang ipinasok ng striker ng bansa para pangunahan ang panalo sa larong sinuspindi ng mahigit isang oras dahil sa malakas na pag-ulan at pagbaha ng playing field.

Dalawang goals naman ang ginawa ni Javier Patino sa kanyang unang laro bilang Azkals at nag-ambag ng tig-isang goal sina Stephan Schrock at Carli de Murga.

Noong Biernes pa sana unang maglalaro ang Azkals ngunit umatras sa torneyo ang Brunei.

Natalo rin ang Cambodia sa unang laban nito kontra Turkmenistan, 0-7, noong Biernes.

Magsasagupa sa Martes ang Pilipinas at Turkmen kung saan draw lamang ang kakailanganin ng Azkals para pagharian ang torneyong ito at awtomatikong makakakuha ng silya para sa 2014 AFC Challenge Cup na gaganapin sa Maldives.

You May Also Like