Ayoko sa Pondo ng PAGCOR—Briones

 

Sec. LEONOR BRIONES
Sec. LEONOR BRIONES

Ni: Roy Bersales

 

HINDI tamang manggaling sa sugal ang pondo ng Department of Education (DepEd) para sa pagpapagawa ng mga silid-aralan.

Ito ang paniniwala ni DepEd Secretary Leonor Briones sa pondong iniaambag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa DepEd para sa pagpapagawa ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa, sapagkat hindi wasto na manggagaling sa sugal ang perang ginagamit sa edukasyon.

Ang PAGCOR ay kumpanyang kontrolado at pinatatakbo ng pamahalaan na pasok sa negosyong sugal na ang mga parokyano ay pawang mga mayayamang sugarol.

Ani Briones, marami namang kumpanya at institusyon ang nag-aambag ng pondo para sa pagpapagawa ng silid-aralan, bukod sa PAGCOR, kaya hindi kailangan ang perang galing sa PAGCOR.

Mayroon din namang pondong nanggagaling sa pambansang pamahalaan para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, patuloy ng kalihim.

Kamakailan, inilinaw na ni Budget Secretary Benjamin Diokno na ang kulang na 47,492 silid-aralan ay kukumpletuhin na ng pamahalaan sa 2017.

Ani Diokno, P566.2 Bilyon ang inaasahang pondo ng DepEd para sa susunod na taon.

Sa rekord ng DepEd, nasa 118,686 silid-aralan ang naipatayo ng nakalipas na administrasyon.

Mayroong 66,463 silid-aralan ang kasalukuyang tinatapos na bahagi pa rin ng nasimulan ng nakalipas na administrasyon.

Umaasa si Briones na matatapos na ang suliranin sa kakapusan ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like