ARSOBISPO VILLEGAS: DASAL HINDI DAHAS

SALUDO PO AKO: Kitang-kita na sumaludo ang isang bata sa pulis na nakita niyang may hawak na mataas na kalibre ng baril habang nakapuwesto sa isang lugar sa Maynila bilang bahagi ng pagtitiyak ng Philippine National Police (PNP) ang kapayapaan at kaayusan sa kabisera ng Pilipinas dalawang araw matapos ang pagsabog sa Davao City. (Rafael Taboy)
SALUDO PO AKO: Kitang-kita na sumaludo ang isang bata sa pulis na nakita niyang may hawak na mataas na kalibre ng baril habang nakapuwesto sa isang lugar sa Maynila. Ang pulis ay nakapuwesto sa bangketa sa Maynila bilang bahagi ng pagtitiyak ng Philippine National Police (PNP) ang kapayapaan at kaayusan sa kabisera ng Pilipinas dalawang araw matapos ang pagsabog sa Davao City. (Rafael Taboy)

Ni: Marites Badilla

 

NANAWAGAN si Lingayen-Dagupan Arsobispo Socrates Villegas sa mamamayang Pilipino na magdasal makaraang mamatay ang 14 na katao at malubhang masugatan ang mahigit 60 pa sa pagsabog na naganap sa Davao City nitong Biyernes.

“We pray for peace for the dead victims. We pray for healing for the wounded. We pray for strength for the bereaved families. We pray for the restoration of brotherhood and harmony for Davao and for the nation [Magdasal tayo para sa katahimikan ng mga namatay na mga biktima. Magdasal tayo para sa paggaling ng mga nasugatan. Magdasal tayo para magkaroon ng lakas ang mga naulila. Magdasal tayo para manumbalik ang kapatiran at pagkakaisa sa Davao at buong bansa],” diin ni Arsobispo Villegas nitong Sabado.

Anang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na sila man ay nagdadalamhati para sa mga biktima, ngunit idiniin ni Arsobispo Villegas na hindi mabuting paghihiganti ang maging aksiyon sa naganap na karumaldumal na krimen sa Davao City, kundi sa mapayapang pamamaraan at ito ay sa pamamagitan ng mataimtim na panalangin sa Panginoong Diyos.

Ang punto ng arsobispo ay higit na makapangyarihan ang pagdarasal kumpara sa aaksiyon ang pamahalaan sa pamamagitan ng dahas laban sa mga gumawa ng krimen.

Matatandaan na inako ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) ang pag-atake.

Ayon sa ASG, sagot ang pagpapasabog sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na wasakin ang kanilang pangkat.

Ang ASG ay nakabase sa Sulu at Basilan.

Kahit inako ng ASG, magsasagawa pa rin ng masusing imbestigasyon ang AFP at PNP upang matukoy kung sino ang tunay na may gawa ng pagpapasabog sa Davao City.

Sabi ni Arsobispo Villegas, walang dudang nakagugulat ang dahas at nakagagalit ang terorismo, ngunit hindi marahas na aksiyon ang wasto at makatwirang gawin, kundi ang manalangin sa Panginoong Diyos.

Hindi inilinaw ng eksakto ni Villegas kung ano ang tinutukoy niyang paghihiganti sa pamamaraang marahas.

Matatandaang isinailalim ni Duterte sa “state of lawlessness” ang buong bansa nitong 5:10 ng umaga ng Sabado.

Ang batayan ni Duterte ay ang Artikulo VII ng Saligang-Batas na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na atasan din ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tulungan at alalayan ang Philippine National Police (PNP) na panatilin ang kapayapan at kayusan ng bansa.

Dahil dito, nakaalerto ngayon ang lahat ng kasapi ng AFP at PNP laban sa anumang samahan na maghahasik ng kaguluhan, terorismo, at pagpatay sa mamamayan.

Sa paggiit sa kawastuhan ng kanyang punto, hiniram at  ipinayo sa publiko ni Arsobispo Villegas ang minsang ipinahayag ni Gandi ng India na: “Ako ay tutol sa dahas, sapagkat mukha lamang itong maganda, ngunit ang ganda nito ay pansamantala; ang kasamaan [nitong taglay] ang siyang matagal.”

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like