Aral mula sa CIA Agent

 

Ni: Nelson S. Badilla

 

Naniniwala [ako] na may mapupulot na aral kahit sa mga kaaway ng mga komunista at makabayang organisasyon. Katunayan, mahahalagang aral pa nga.

Basahin n’yo ang ikukuwento kong ginawa ni Lt. Col. Edward G. Landsdale noong panahong sina Elpidio Quirino at Ramon Magsaysay ang mga pangulo ng Pilipinas.

Si Landsdale ay ipinadala ng pamahalaan ng Amerika sa bansa noong Setyembre 1950. Siya ay mahusay na ahente ng Central Intelligence Agency (CIA).

Si Lansdale ay hepe ng Office of Police Coordination (OPC) ng  CIA sa Pilipinas.

Nangangahulugang isa ang Pilipinas na kinikilusan at ‘pinatatakbo’ ng CIA alinsunod sa mga polisiya ng Amerika.

Itinalaga si Lansdale sa US Military Assistance Group (JUSMAG). Ang eksaktong trabaho niya sa Pilipinas ay “military adviser” ng Department of National Defense (DND) na ang kalihim ay si Ramon Magsaysay.

Isang linggo pa lamang sa pagiging kalihim si Magsaysay nang dumating si Lansdale sa bansa.

Ang tunay na pakay ng Amerika sa pagpapadala kay Landsdale sa Pilipinas ay upang direktang turuan si Magsaysay kung paano susugpuin ang lumalakas na armadong pakikibaka na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at gawing bida sa mata ng masang Pilipino si Magsaysay upang siguradong manalo sa pagkapangulo sa eleksiyong 1953.

Aprubado kay Magsaysay na maging military adviser niya si  Landsdale, sapagkat ito ay nangangahulugang nakuha na niya ang suporta at direktang tulong ng Estados Unidos para sa kanyang ambisyong maging pangulo pagkatapos ng unang termino ni Pangulong Elpidio Quirino.

Nagtayo ng Office of Psychological Warfare si Lansdale na pinangalanan niyang Civil Affairs Office (CAO).

Si Jose Crisol ang hepe.

Ang CAO ay direktang nasa ilalim ng tanggapan ni Magsaysay, ngunit si Landsdale ang boss ni Crisol. Si Landsdale ang nagdidikta kung anu-ano ang eksaktong mga gagawin ng CAO at ang mga inaasahang resulta ng mga nasabing gawain.

Ang trabaho ng CAO ay maghasik ng propaganda laban sa PKP at Hukbong Magpapalaya sa Bayan (HMB na dating Hukbong Laban sa Hapon), ang armadong yunit ng PKP, at propaganda na pabor kay Magsaysay.

Ilan sa mga ginawa ng CAO sa loob ng dalawang taon ay ang pamamahagi ng 13 milyong polyeto, mga babasahin laban sa PKP, mga babasahin tungkol sa mga nagawa ni Magsaysay, at iba pa at paglulunsad ng 6,000 pulong sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Maging ang mga unibersidad at mga pamayanang walang PKP at HMB ay pinasok ng propaganda ng CAO.

Inutos din ni Lansdale sa CAO ang pagtatatag ng organisasyon ng mga estudyante laban sa komunismo. Kaya, binuo at tinustusan pa ng CAO ang National Students Movement (NASTUM).

Pinabawasan din niya ang pangwawalanghiya ng mga militar sa masa tulad ng pagnanakaw ng baboy, kalabaw, baka, at manok.

Pinagsabihan niya ang mga sundalo na matutong gumalang sa mamamamayan.

Pinagamit niya ang mga ospital ng militar sa mga sibilyang nangangailangan.

Ang gustong mangyari ni Lansdale dito ay palabasing makamasa ang sandatahang lakas ng Pilipinas [—propganda lamang ang layunin*].

Gumamit din si Lansdale ng mga maruruming taktika na binansagan niyang “practical joke psy-war.” Halimbawa, sa ilang lugar ay pinalabas ng CAO na mayroong gumagalang aswang na pumapatay ng miyembro ng PKP o HMB.

Ginawa ito ng mga sundalo sa pamamagitan ng pagbaril sa leeg ng biktima ng dalawang beses. Ang tama ng bala ay halos magkadikit upang magmistulang kinagat ng bampira.

Ang punto ni Landsdale ay palabasing may gumagalang bampira sa isang lugar na ang [tanging] puntirya ay mga miyembro ng HMB, sa gayon matatakot ang mga rebolusyonaryo at iiwanan ang kanilang lugar o teritoryo.

Naisip ng CIA agent na si Lt. Col. Edward Lansdale na magandang panakot sa mga kasapi ng HMB at PKP ang pag-iimbento ng senaryo na ikakatakot at ikabubuwag ng kaaway ng pamahalaan ng Estados Unidos at Pilipinas. Kaya, inimbento niya ang ‘taktikang bampira,’ sa gayon iiwan ng mga komunista ang kanilang base o kinikilusan dahil takot sa bampira.

Nadiskubre ni Lansdale na may mga opisyal ng Amed Forces of the Philippines (AFP) na nagbibenta ng mga armas at amyunisyon sa kalaban ng pamahalaan. Kaya, ipinagawa niya sa mga kawal ang paggawa ng mga palyadong armas at amyunisyon at ipinasama ang mga ito sa bodega ng mga armas at amyunisyon ng AFP.

Pagkatapos, may inutasang sundalo na maghanap ng kausap sa HMB upang magbenta sa huli ng mga armas at amyunisyon.

Ang punto ni Lansdale rito ay: kapag nakabili ng mga armas at amyunisyon ang HMB ay tiyak mayroong mamamatay dahil sa biglang pagputok ng palpak na mga armas at amyunisyon na isinama sa nabiling mga gamit-pandigma ng mga taga-HMB at PKP.

Kasama rin sa mga taktikang ipinagawa ni Lansdale ang inpiltrasyon sa HMB at PKP.

Ang mga sundalo o ahenteng ginagamit sa ganitong taktika ay matindi ang pagsasanay sapagkat sumapi sa HMB ang trabaho niya hanggang maging malalim ang ‘pagkakatanim’ sa kilusan. Kapag malalim na ay saka gagawin ang eksaktong trabahong iniatang: ang magbigay ng impormasyon sa OPC o JUSMAG tungkol sa target na kadre o kasapi ng PKP o HMB.

Sinubukan din ni Lansdale ang pagbubuo ng kunya-kunyariang pangkat ng HMB na ang layunin ay maghanap ng totong grupo ng HMB.

Kung mapalapit na ang peke sa tunay na HMB ay saka makipagbabarilan ang una sa huli.

Ang isa pang naging diskarte ni Lansdale ay ang  pagpasok ng isang grupo ng mga sundalong nagpanggap nasila ay pangkat ng HMB sa isang lugar na mayroong nakabaseng mga sundalo.

Kunwari, magkakasagupa ang dalawang pangkat kung saan sadyang magpapatalo at aatras ang nagpanggap na HMB.

Ang layunin ni Lansdale sa naturang taktika ay maipalaganap sa isa o higit pang mga lalawigan na palpak ang HMB dahil sa pagkatalong sinapit umano nito sa mga sundalo.

Sa kabilang banda naman, maipapakitang mahuhusay ang mga sundalo dahil napaatras at nagapi nito ang mga ‘rebolusyonaryo.’ Kaya, inaasahang madidismaya ang masa sa HMB at bibilib sa tropa ng pamahalaan, ayon sa pananaw ni Landsdale.

Ang iba sa mga taktikang propaganda ni Landsdale ay epektibo, samantalang ang iba ay hindi.

Natapos ang kontrata ni Edward Lansdale sa Pilipinas, ngunit hindi natapos ang direktang pakikialam ng Estados Unidos ng Amerika, sa pamamagitan ng CIA, at sa pagpapabagsak at pagpuksa sa HMB at PKP.

Nagpatuloy ang PKP at HMB kahit maging pangulo na ng bansa si Magysaysay noong 1953**.

Nagpatuloy ang Amerika sa pandidikta sa pamahalaan ng Pilipinas hinggil sa tingin nilang nararapat na taktika laban sa mga komunista at rebolusyonaryo. Hindi tumutol ang pamahalaan sapagkat nakikinabang naman siya rito.

Nahirapan man ang PKP at HMB, nagpatuloy ang mga ito sa pakikibaka laban sa mapanamantala at mapang-aping pamahalaan at naghaharuing-uri.

Ngunit, hindi nagtagumpay  ang PKP at HMB hanggang napilayan ito, nanghina, at sumuko ang karamihan, kundi man lahat, ng namumuno rito noong ikatlong termino na ni Ferdinand E. Marcos sa Malakanyang.

Bigo ang PKP at HMB, hindi dahil malakas ang pamahalaan ng Pilipinas at katuwang nito ang Estados Unidos sa paglaban sa dalawa, kundi dahil na rin sa sariling kahinaan ng dalawang rebolusyonaryong kilusan.

Ang kahinaang ito ang siyang nagsilbing gatilyo upang pasabugin ang rebolusyonaryong kilusang nagsimula noon pang 1930, panahong direktang sakop at kontrolado ng Estados Unidos ng Amerika ang Pilipinas.

Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang mga pinuno ng PKP at HMB dahil nagsisuko naman sila sa pangulong diktador [noong unang bahagi ng batas-militar sa bansa***] matapos na sila ay pangakuan [ni Marcos****] ng ‘maayos na kalagayan,’ pero hindi ang mga ordinaryong kasapi ng kilusan at masang Pilipino.

Ang mga kasapi at masa ay nanatiling mahirap, pinagsasamantalahan, inaapi, at  ginapos sa lipunang may diabetes (nabubuhay ang mamamayan sa napakatamis na mga pangako, pahayag, at patakaran ng pamahalaan, ngunit kitang-kita kahit sa dilim na sila ay patuloy na nangangayayat at nanghihina—na ang tanging inaasahan ay mamatay sa sariling bayan).

Sabihin nating mali ang mga ginawa ni Edward Lansdale, ngunit ang mga ideya niya ay magagamit at mayroong pakinabang.

Ang kailangan lang ay matutunan at magagap ang mga iyon upang magamit sa ibang sitwasyon.

 

——

Ang mga nakasaad na mayroong *, **, ***, at **** ay pawang wala sa orihinal na akda.

 

 

 

 

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like