Aquino, Ipinasa ang Malalang Kahirapan kay Duterte

 

Bise-Presidente Ma. Leonora "Leni" robredo
Bise-Presidente MA. LEONORA “LENI” ROBREDO

Ni: Marites Badilla

 

AMINADO si Bise-Presidente Ma. Leonora “Leni” Robredo na napakalala ng kahirapan sa bansa.

Ang pag-aming ito ni Robredo ay nangangahulugang walang nagawang hakbang ang nakalipas na administrasyon ni Benigno Simeon Cojuangco Aquino III na sugpuin ang napakalalang kahirapan.

Ang administrasyong Aquino ang kumuha kay Robredo upang maging bise-presidente ni Mar Roxas na ang mariing panawagan noon sa mga botante ay ituloy ang ‘Daang Matuwid’ ni dating Pangulong Aquino.

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa lamang nang husto ng administrasyong Duterte ang wasto at angkop na programa upang masawata ang kahirapan.

Si Cabinet Secretary Leoncio Badilla-Evasco Jr. ang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umasikaso sa lahat ng programa ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang resolbahan ang kahirapan sa bansa.

Ayon kay Robredo, ang “kahirapan ang ugat ng pagdurusa ng  pamilyang Pilipino.”

Aniya, maraming negatibong epekto ang kahirapan tulad ng hindi makapunta at makapagpatingin sa doktor ang isang buntis, maraming bansot na bata bunga ng malnutrisyon, maraming nagbebenta ng iligal na droga at gumagamit ng bawal na gamot, at marami pang iba.

Idiniin niya na kailangang tutukan at maglunsad ng gyera ang pamalaan laban sa kahirapan.

Sa bahagi ng kanyang tanggapan bilang pangalawang pangulo, inilunsad ni Robredo ang proyektong “Angat Buhay” upang makatulong sa administrasyong Duterte sa pagsugpo ng kahirapan.

Ani Robredo, ang Angat Buhay ay “partnership” ng Office of the Vice-President (OVP) sa non-government organizations, civil service organizations (CSOs), international at local aid agencies, bilateral at multilateral organizations, at ilang pribadong sektor.

Kabilang din ang 50 mga pamahalaang lokal na nakiisa sa programa ni Robredo.

Ang mga nasabing organisasyon ay nag-ambag upang magkaroon ng pondo ang Angat Buhay, sapagkat wala namang pondo ang tanggapan ng bise-presidente para sa proyektong laban sa kahirapan, sapagkat hindi naman ito ang opisyal na trabaho ng bise-presidente.

Inilinaw ni Robredo na iba ang kanyang programa sa programa ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) na pinamumunuan ni dating Gabriela party-list Rep. Liza Masa.

Ani Robredo, ang trabaho ng NAPC ay  aksyon ng pamahalaan laban sa kahirapan, samantalang ang programa ng kanyang tanggapan ay inisyatiba upang makipagkaisa sa iba’t  ibang samahan upang sugpuin ang kahirapan.

Tiniyak ni Robredo na “komprehensibo” ang nilalaman ng Angat Buhay laban sa kahirapan.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like