Anti-divorce bill, nakaabang na

NAIPASA ng kongresista ng Marikina na si Marcelino Teodoro ang isang panukalang batas na naglalayong kontrahin ang pagsasabatas ng diborsyo sa bansa.

Ayon kay Teodoro, “May mga hakbang mula sa iba’t ibang grupo na nagtutulak at nangangalap ng suporta para sa diborsyo sa Pilipinas. Pinabababa nito ang kahalagahan ng kasal sa pamamagitan ng pagbibigay ng madaliang pagkakataon upang tapusin ang kasal, imbes na ayusin agad.”

Layunin ng House Bill 37 na protektahan ang kasal bilang institusyon at sandigan ng pamilya na siyang lakas ng bansa. Sasawatain nito ang paglitaw ng anumang panukala na gawing legal ang diborsyo sa bansa, na hindi diumano katanggap-tanggap sa ating Saligang Batas.

Samantala, nagpahayag naman si Luz Ilagan, representante ng Gabriela partylist, na lalabanan nila ang naturang panukala.
Matatandaang noong ika-15 kongreso, nagpanukala rin si Ilagan sa Kamara na gawing legal ang diborsyo, ngunit hindi ito nakausad at nanatiling nakabinbin sa komite.

Batay sa Family Code, maaaring magkaroon ng legal na paghihiwalay ang mag-asawa kung hindi na naaayon ang pagsasama, ngunit kaakibat nito ang kawalan ng pagkakataong makapag- asawang muli. (PD)

You May Also Like