Anong klase kang anak?

The Jumping Wall‘Pag pinagsasabihan tayo ng ating nanay o tatay na huwag gawin ang isang bagay noong maliliit pa tayo, hindi nila sinasabi ang rason. Basta, huwag mong gawin. Kung hindi ka susunod, makikita mo ang hinahanap mo. At hindi ‘yun ‘yung nawawala mong laruan. May parusa ka. May palo, bawal kang lumabas o kaya ay walang cartoons muna sa TV. Hindi nila kadalasan sasabihin ang dahilan pero maraming bawal. Kung bakit hindi sila nagpapaliwanag ay dahil sa bata pa tayo at ‘di pa rin naman natin maiintindihan nang maigi. At dahil magulang natin sila, sumusunod tayo dahil nasa kanila ang pinakamalaking takot at tiwala natin kumpara sa kahit kaninuman sa mundo. Pero minsan ay napapalo pa rin tayo sa kakulitan at kagustuhang subukan kung ano ang mangyayari ‘pag ginawa natin ang bawal.

Nagagawa nila ito sa atin upang mailayo tayo sa mas malaking kapahamakan kapag inulit pa natin ang nagawang kalokohan.
Habang tumatanda naman tayo ay unti-unti nating nauunawaan kung bakit pinagbabawalan tayo ng ating mga magulang na gawin ang maraming bagay noon. Naiiba na rin ang pakikitungo nila sa atin dahil alam nilang mas malawak na ang ating kaisipan. Mas mauunawaan na natin ang kanilang mga paliwanag na ‘di na kinakailangan ng pananakot o parusa.

Wala itong pinagkaiba sa pagtrato ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi pa ganoon kalalim ang pagkaunawa ng tao sa mundo sa umpisa kung kaya ang mga utos ng Diyos noon ay may kasamang parusa at takot sa puso ng tao. At ang mga tao noon ay higit na mas buo ang tiwala sa Diyos kaysa kanino pa man katulad ng isang batang musmos sa kanyang magulang. Habang tumatagal at lumalawak ang kaalaman ng tao ay nagbabago rin ang trato sa atin ng Diyos bilang anak. Pinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang sumama at mamuhay kasama natin at Siya mismo ang nagturo sa atin ng mga aral na ibinigay na sa atin ng Diyos Ama sa pamamagitan ng mga naunang propeta at ipaliwanag kung bakit dapat nating gawin at sundin ang mga ito. At nang matapos ang Kanyang misyon sa atin ay bumaba naman ang Banal na Espiritu Santo na kasama natin hanggang ngayon para higit pang ipaunawa ang mga kaalamang ibinigay sa atin ng Panginoon.

Tulad ng bawat isa sa atin, ang sangkatauhan ay higit nang nakakaunawa sa paglipas ng panahon. Mas malalim na ang karunungan natin kumpara noon. At tulad ng isang anak, dalawa ang madalas na kahinatnan ng ating pagtanda:

Ang higit na mas maging bukas ang isip sa mga aral na ating natanggap sa ating magulang, pisikal man o espirituwal. Dahilan upang maging mas malapit at mapagmahal sa kanila bilang pasasalamat para sa kung sino na tayo ngayon.

O ang pangalawa: ang maging arogante sa pag-iisip na higit na mas may alam na tayo ngayon kaysa sa ating mga magulang na minsang nagturo sa atin ng pagbibilang hanggang sampu at pagbabasa ng abakada. Sa hustong edad, maaaring ‘di na tayo madala sa takot ng parusa na maaaring idulot ng ating kapalaluan. Ngunit sa pangyayaring ito, hindi na ang ating magulang o ang Diyos ang siyang magdudulot ng parusa sa atin kundi ang ating sarili. At ito ay ang habambuhay na pagkakawalay mula sa kanilang pagmamahal at kalinga na kaakibat ng malayang pagpili na mayroon ang bawat isa sa atin.

Ang gusto ko sanang malaman ay alin ka sa dalawang uri ng anak?

(rogie_ylagan@yahoo.com / theignoredgenius.blogspot.com)

You May Also Like