Anong epekto ng pamilya sa may sakit?

Sa panahon ng malubhang karamdaman, napakalaking ‘morale booster’ ng suporta ng mga kamag-anak sa paggaling ng may sakit.

Ang pagkakaroon ng malubhang karamdaman ay parang team sport -- mahalaga ang team work ng pamilya, lalo na sa mga panahong matindi ang sakit, para gumaan ang dinadala ng may sakit.
Ang pagkakaroon ng malubhang karamdaman ay parang team sport — mahalaga ang team work ng pamilya, lalo na sa mga panahong matindi ang sakit, para gumaan ang dinadala ng may sakit.

DITO sa Pilipinas, maraming kaso na kapag may birthday, kahit hindi na mag-imbita ng mga kaibigan at kapitbahay, punung-puno na ang bahay ng mga “bisita.” Bakit? Kasi sa laki ng pamilya, ang dami nang makikipag-celebrate sa birthday ng celebrant!

Hindi lang sa birthday o Pasko nararamdaman ang kabutihan ng pagkakaroon ng malaking pamilya. Kung naranasan mo nang magkaroon ng malubhang karamdaman o ‘di kaya’y may ka-pamilya kang nagkasakit nang matindi, hindi ba ‘yung mismong mag-asikaso ng mga pangangailangan ng may sakit ay gumagaan kung may mga mapapakiusapang tumulong? Kapag maraming miyembro ang pamilya, mas maraming makikiramay, mas maraming makapagbibigay ng suporta – lalo na kung ramdam ang samahan ng mga miyembro. At itong suportang ito ay malaking bagay sa pagpapaginhawa at pagpapagaling rin ng may sakit, ayon kay Liza Manalo, M.D., faculty member at consultant sa Far Eastern University-Nicanor Reyes Medical Foundation (FEU-NRMF) Department of Family and Community Medicine.

Ayon kay Dr. Manalo, na espesyalista sa palliative care, ang malapit na pamilya o angkan ay isang mahalagang “morale booster” ng mga Pilipinong nakararanas ng pagsubok tulad ng malubhang karamdaman, at ito ay lalo pang nagpapalapit sa mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa.

Dalawang bagay ang maaaring mangyari sa isang pamilya kapag mayroong may malubhang sakit – ang lalong maging mas malapit sa isa’t isa o kaya nama’y magkakawatak-watak. Sa Pilipinas, ang karaniwang nangyayari ay lalong nagkakalapit ang mga miyembro ng pamilya dahil malapit na tayo sa simula pa lang,” ani Dr. Manalo.

“Magtutulungan tayo at magtutulungan — tila likas sa Pilipino bilang isang bansa na ‘pag may nagkakagipitan, nandiyan tayo sa tabi ng pamilya natin,” dagdag pa niya.

“Siguro hindi tayo masyadong nationalistic pero tayo ay napaka maka-pamilya. Ang pamilya ang pinakaimportanteng bagay sa buhay natin,” aniya.

Pinaliwanag ng manggagamot na napakahalaga ng pamilya kapag may miyembrong nakararanas ng malubang karamdaman tulad ng kanser. Ang paggamot ng kanser – o cancer treatment – ay mahirap, at kung may chemotherapy o radiotherapy na kasama, kailangang maging matatag ang pasyente dahil sa mga komplikasyong maaaring lumitaw, ani Dr. Manalo. Dahil sa paulit-ulit na pagpunta sa ospital at pati na rin sa gastos na nakabubulabog kung minsan, ang kawalan ng pamilya na susubaybay ay maaaring makapagpabigat sa pakiramdam ng pasyente.

“At kahit ‘yung pagkakaroon ng masasabihan ng‘natatakot ako, nalulungkot ako,’ o basta may makakausap, o may nagbibigay ng ‘pep talk’… ay napakalaking bagay na,” iginiit ng duktor.

“Sa mga sitwasyon tulad ng cancer diagnosis at treatment, importanteng naiintindihan ng pamilya kung ano ang nangyayari sa kamag-anak nilang may sakit. Importante ring maging partners with the doctor pagdating sa pagpili at pag-execute ng treatment options na gagawin sa pasyente. Napakalungkot kapag halos palaging walang pamilyang kasama ang pasyente. Ang pagsubaybay ng pamilya ay napakahalaga sa mga ganitong sitwasyon.”

You May Also Like