Ano ang tunay na tayo ng SUCs?

vol 1 no 4

Marami ang nabahala sa pagpapakamatay ni Kristel Tejada, isang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. Ang pagkitil niya sa sariling buhay – maski marahil, hindi lamang ang pagtigil sa pag-aaral ang dahilan sa likod ng kanyang kawalan ng pag-asa – ay tumatak at patuloy na gumagambala sa maraming Pilipino.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, nito lamang Marso matapos pumutok ang balita sa pagpapatiwakal ng naturang dalaga, nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng higit kumulang P831.8 milyon na pondong nilaan para sa mga ilang ahensya ng pamahalaan, kabilang na ang State Colleges and Universities (SUC).

Halos kasabay nito ang programa naman ng SSS at Pag-IBIG Fund Educational Loan na nagbibigay ng oportunidad sa mga miyembro na makalikom ng pautang para sa pangangailangang pang-edukasyon.

Nakapagtatakang isipin na dumating sa puntong may isang pamilyang paulit-ulit nagtangkang makalusot sa mahigpit na patakaran ng U.P. tungkol sa usaping bayaran ng tuition. Isang tanong tuloy ang bumabagabag sa marami: Sapat na ba ang pondong inilalaan ng pamahalaan para sa SUCs? Sapat na ba ang mga educational loan na nakalaan para sa kabataan?

Hindi na bago ang mga protesta ng ating mga estudyante patungkol sa mga tuition hikes at subsidy ng mga SUC. Matatandaan na noong 2011, tatlong estudyante ng U.P. ang lakas loob na nagprotesta habang nagtatalumpati si Pangulong Benigno Aquino III sa naturang unibersidad. Ito ay matapos tapyasan ng pangulo ng 1.39 billion ang budget ng mga SUCs.

Nagpasya man ang gobyerno na dagdagan ang budget ng SUCs, hindi pa rin ito sapat dahil malaking porsiyento naman nito ay nakalaan para sa mga insentibo ng mga opisyal at empleyado.

Ngayong buwan ng pagtatapos, inaasahang dadaming muli ang mga bagong gradweyt na hindi malaman kung saan makakahanap ng trabaho. Ang natitirang opsyon nalang ba para sa mga magagaling at matatalas na isipan ng mga Pilipino ay ang maging OFW at makipagsapalaran sa ibang bansa? Pahirap sa pag-aaral at pahirap sa paghahanap ng trabaho. Hanggang kailan magtitiis ang ating mga kababayan sa tila bulag at tutulog-tulog nating gobyerno?

You May Also Like