‘Ano ang susunod na kabanata ng buhay?’ – tanong ng OFW na pauwi na

Dear Ate Ami,
Ako’y sumusulat mula sa Middle East na kung saan ako’y nagtatrabaho bilang inhinyero ng higit kumulang sa 30 taon na. Naging mabuti ang trabahong ito para sa akin dahil sa pamamagitan ng aking kinita sa loob ng maraming taon, nabigyan ko ng desenteng tahanan ang aking pamilya at nakapagtapos ng pag-aaral ang apat na anak naming mag-asawa. Ngunit magbabago na ng husto ang takbo ng buhay para sa akin dahil ako ay nag-retire na at uuwi sa Pilipinas ngayong Mayo. Ilang linggo na akong nalulungkot sa sitwasyon, marahil dahil sa kawalan ng seguridad. Ang pakiramdam ko ay para akong upos ng sigarilyong wala nang silbi, pero may mga nagpapaalaala naman sa akin na ang halaga ng buhay ay hindi nakasalalay sa tungkulin o sa kakayahan. Ganoon pa man, hirap akong isipin na ang mga susunod na taon ay ‘di na magiging tulad ng dati. Siguro ay dapat niyo ring malaman na matagal nang nawala ang paniniwala ko sa Diyos, dala ng mga masakit na karanasang nagparamdam sa akin na walang Panginoon na pinagmulan ng lahat at na anuman ang mga nais kong mangyari sa buhay ko ay kailangang pagsikapan. Salamat.
– Emil

Dear Emil,
Seryoso problema mo, Emil!  Pero the fact na binanggit mong matagal nang nawala ang paniniwala mo sa Diyos ay hindi ko masasabing “hopeless case” ka na.  At least, natukoy mo ang ugat ng problema mo—kaya’t ang kalahati noo’y lutas na!  Pero sa halip na sermonan kita ay babatuhin na lang kita ng mga katanungan.  Naiintriga kasi ako sa kaso mo—parang puwedeng isapelikula, dyokdyok!
Sabi mo, more than 30 years ka abroad, “naging mabuti” ang trabaho mo, etc. etc. etc.   Kelan kaya nawala ang pananampalataya mo sa Kanya?  Noong naghahanap ka pa lang ng trabaho, may tinatawagan ka bang Diyos para hingan ng tulong?  Nang makakita ka ng trabaho, sino o ano ang pinasalamatan mo?  Tao ba o swerte?  Bakit ginusto mong bigyan ng ginhawa ng buhay ang pamilya mo, at pamanahan ng edukasyon ang mga anak mo?  Dahil lang ba sa gusto mo?  O may nag-utos sa iyo na iyon ang tama?  Mukhang malusog ka kaya nakapagtrabaho ka nang ilang dekada bago ka nag-retire.  Healthy ka kaya dahil magaling ang doctor mo, o dahil ipinanganak kang matibay?  Bakit ka nahihirapang magbabago na ang takbo ng buhay mo sa hinaharap dahil lamang sa retirado ka na?  Bisyo mo na bang gumiling nang gumiling para buhayin ang pamilya mo, o para patunayan sa sarili mong may saysay ang buhay mo?
May naaalala akong isang masiglang huntahan kasama ng mga kaibigan kong Muslim sa Egypt.  May isa kaming kasama—si Mourad—na hindi na naniniwala kay Allah, at nakikipagtalo siya sa kaibigan niyang si Magdi na may buo pang pananalig kay Allah.  Sobrang smart kasi ni Mourad, successful sa lahat ng bagay na pinasok niya, at sa paniwala niya, ang lahat ng tagumpay niya ay galing lamang sa pawis niya, at hindi kay Allah na siya namang iginigiit ni Magdi.  Diyosme, ang haba ng paggigirian ng dalawang Muslim, tila walang susuko—tuwang-tuwa naman kaming mga Kristiyanong nakikinig.  Sa dulo, napagod na si Magdi, kaya bigla niyang hinamon si Mourad: “Sige, maniniwala na ako sa iyo, pero igawa mo muna ako ng isang lamok, ngayon din!”  Natameme si Murad—kasi hindi niya kayang gumawa ng lamok.
Emil, kung gusto mong maputol ang paghihirap ng loob mo, habang humihinga pa, magpasalamat ka na sa Lumikha sa iyo.  May kasabihan tayong mga Pilipino: “Ang hindi lumingon sa pinaggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.”   Kilalanin natin ang nagbigay-buhay sa atin, Siya ang papawi ng lahat ng pangamba natin sa hinaharap.

– Ate Am

May problema ka ba? Ikwento kay Ate Ami at ipadala sa  dearateami@gmail.com.  Huwag kalimutang ilagay ang iyong edad at trabaho para sa mas angkop na payo.

You May Also Like

  • Agree ako sa payo mo Ate Ami. Sabi niya ok lang naman siya sa lahat pero nagtataka siya at malungkot sya kahit ayos naman ang naging buhay niya. Pero nabanggit niya na di na siya naniniwala sa Diyos. Di niya lang siguro agad naconnect ang dalawa. 🙂

    At isa pa, problema din madalas sa mga Pinoy lalo na sa OFW na hindi napaghahandaan ang future. Tipong ok na yung basta nakatapos ang mga anak, nakapagpagawa ng bahay, nakabili ng sasakyan. Sana naiisip din nila ang maginvest. Andaming puedeng pasukan na investment ngayon. Hindi lang traditional businesses, meron na ring mga pumapasok sa “paper investments” like stocks, bonds, special deposits, mutual funds. At malamang lamang pa, wala rin silang mga insurance.