Ang sirko ng eleksyon narito na!

vol 1 no 6

Sa mga panahong ito na puspusan na ang pangangampanya para sa nalalapit na eleksyon, si Juan de la Cruz ay napaliligirang muli ng mga pangako at mga pahayag mula sa mga kandidatong naglipana sa mga kalye, mga plaza, TV, radyo at kung saan-saan pa. Mga pangako ng pagbabago na isinisigaw sa campaign sorties. Pangangalandakan ng mga proyektong naisagawa sa mga tarpaulin at poster. Walang kamatayang pagtalakay ng pangangailangan ng bansa at pagbida ng mga dahilan para iboto ang kandidato sa mga panayam sa TV at radyo. Kung matutupad man ang mga pangako o hindi ay makikita lamang makalipas ang ilang buwan o taon, kapag ang kandidato ay naluklok na sa kanyang tungkulin.

Wala nang magagawa sa mga campaign rally kundi makinig at makakita ng anino ng ano ang maaaring asahan – kung ang kandidato ay may palabra de honor. Pagkatapos ng mga salita at mga pangako — at ang kandidato ay nanalo — panahon namang ipatupad ang mga binitiwang salita sa pangangampanya.

Kapansin-pansin na may campaign sortie na ginanap noong umpisa ng Abril, isang proclamation rally na ginawa sa harapan mismo ng Malabon City Hall. Masasabi nating ano mang mga pangako ang ginawa ng mga nangampanya doon ay walang kabuluhan, dahil ito’y natabunan ng mensaheng ipinahayag sa madla nang hindi gumamit ng salita. Non-verbal communication, ika nga.

Sa harapan mismo ng congresswoman at nakaupong mayor ng distrito, kasama ang ilan pang political aspirants, isang mahalay na palabas ang ipinakita sa tulong ng isang grupo ng tatlong babae na tila ito ang specialty pagdating sa uri ng aliwan. Sa mga litratong kumalat sa social networking sites ay nakita ang ilang mga lalaking kandidato na naghuhubad ng kanilang pantaas habang masayang pinanonood ng mga partner na babaeng dancer.

Ang pinakamalalaswang litrato na ipinaskil sa Facebook ay tinanggal ng grupo ng babaeng dancer, pero ginawa lang ito matapos ng daan-daang mga komento at reklamo tungkol sa malaswang palabas.

Kung ating susuriin, kahit walang mga speech at pangakong ipinahahayag, makapagbibigay na rin ang ganitong uri ng mga campaign rally ng ideya sa mga tao kung ano ang maaasahan sa mga kandidatong nakilahok at walang ginawa upang matigil ang nasabing iskandalo. Ang pag-apruba ng ganitong klase ng aliwan para sa isang political sortie ay may malinaw na mensahe. Wala bang kamalay-malay ang mga kandidato sa rally na ‘yon sa mensaheng ibinahagi nila sa mga tao sa pamamagitan lamang ng kanilang pagpayag na maging bahagi ng malaswang palabas?

May dalawang isyu dito: ang isa ay ang namamalas na pagtrato sa kababaihan. “Kung iginagalang mo ang babae at nais mong irespeto siya ng iba, i-display ang kanyang katawan at itago ang kanyang kaluluwa” – ang tila sinasabi sa naturang sortie.

Maaaring napahiyaw ng mga seksing babae ang mga manonood; maaaring nabighani at nahuli ang kanilang atensyon. Ngunit kung ang pakay ng mga kandidato roon ay ang magtanghal ng tila isang sirko kung saan ang mga babae ay nagmistulang mga hayop — ang kaibhan nga lamang ay, ang kanilang laman ang pangunahing pang-akit, hindi ang paglundag sa mga pamigkis ng barriles o paglamon ng apoy – tiyak na nagtagumpay sila.

Ang isa pang mensaheng ibinabahagi ng ganitong uri ng pagkakampanya — maliban sa malinaw na kawalan ng paggalang sa kababaihan — ay ang mababang pagtingin sa taong-bayan at hindi lamang sa mga nanood ng rally. At kung saan mababa ang pagtingin sa tao, nariyan rin ang kawalan ng respeto sa kanila. Marahil ay nag-enjoy ang mga nanood ng proclamation rally na iyon, pero naiintindihan kaya nilang sa bawat pagtangkilik nila sa ganitong uri ng aliwan – na dapat naman ay naging masinsinang pagpapahayag ng mga pakay at plano ng mga tumatakbo sa eleksyon – ito ay pagpayag na rin sa mababang pagtrato sa atin ng mga nangangailangan ng ating boto?

You May Also Like