Ang pinakamainam na reporma sa ekonomiya

vol 1 no 21

‘Emerging tiger economy’ – ito ang bansag sa Pilipinas ngayon. Pogi points naman ng administrasyong Aquino ang patuloy na pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa, na siya rin namang pinupuri ng ilang ekonomista tulad ni Ruchir Sharma ng Morgan Stanley na naniniwalang nakasalalay ang pagbangon ng Pilipinas sa mga call center agent, padala ng mga Oversease Filipino Workers (OFWs) at mga reporma diumano ni Aquino sa ekonomiya.

Habang nakikinikinita na ng mga eksperto ang pagbagal ng ekonomiya ng China dahil sa tumatandang populasyon at kakaunting kabataan sa workforce, itinatanghal ng iilan ang Pilipinas bilang isa sa mga lumalaking ekonomiya sa Asia. Gaano ka totoo ito? Saan nga ba galing ang kita ng bansa?

Ayon sa mga statistics, ang mga remittances o padala ng mga OFWs pa rin, kasama ng kita ng mga empleyado ng mga Business Process Outsourcing (BPO) ang siyang nagpapalutang sa ekonomiya ng bansa. Sa ngayon, hindi makakaangal ang mga pamilyang nakakakain ng tatlong beses sa isang araw dahil sa panganay na tapos ng kolehiyo at namasukan bilang call center agent sa graveyard shift, ngunit ang tanong, ito na ba ang pangarap natin para sa darating pang henerasyon? Kung tatanungin ang mga doktor na naging call center agent o mga gurong nangibang-bansa upang maging domestic helper, kumakayod sila nang husto dahil na rin sa kagustuhang makapagbigay ng mas magandang buhay sa kanilang mga anak, nakababatang kapatid, at mahal sa buhay. Nakatali na ba ang tadhana ng mga Pinoy sa dalawang opsyong ito? Hindi rin nakatulong na bumaba ang kalidad ng edukasyon sa mga premyadong unibersidad ng Pilipinas ayon sa mga international ratings.

Ayon naman kay Richard Javad Heydarian, isang policy adviser, maraming isiniwalat ang super typhoon ‘Yolanda’. Isa na rito ang kahinaan ng bansa sa mga area tulad ng disaster preparedness na may ‘di maitatangging implikasyon sa ekonomiya. Ang nasabing bagyo, na kilala sa buong mundo bilang ‘Haiyan’ ay tinatayang may pinsalang nagkakahalagang P9.46 bilyon at mukhang matatagalan pa ang proseso ng rehabilitasyon sa mga nasalantang probinsya.

Kung hindi pa man ito komplikado, dagdagan pa natin ng isyu tungkol sa pork barrel na mukhang unti-unting ginagawan na ng paraan upang maisabit ang titulong ‘mastermind’ sa iisang tao lamang. Hindi biro ang pondong nalilihis mula sa kaban ng bayan papunta sa bulsa ng iilan – hindi lamang bilyon, kundi trilyon-trilyong piso. Sa ngayon, hindi kailangan ng eksperto upang maintindihan na ang pinakamainam at mahalagang reporma sa ekonomiya ay ang pagpuksa sa korupsyon sa pampublikong sektor. Nasasaid ang yaman ng bansa, ang buwis na binabayad ng karaniwang Pilipino na siya sanang popondo sa pagpapaganda ng kalidad ng edukasyon, imprastraktura at pagtugon sa mga medium at long-term na pangangailangan ng bansa tulad ng disaster preparedness.

Ngayon, tila natabunan ng iba pang mga suliranin ang isyu ng pork barrel at dali-dali namang “nabibigyan ng hustisya” ang usapin sa pamamagitan ng pagdawit kay Sen. Juan Ponce Enrile bilang puno’t dulo ng pork barrel scam. Papalapit na ang Pasko, makakalimutan ba ng publiko ang pork barrel? Ang sagot ang magtatakda sa kahihinatnan, hindi lamang ng ekonomiya, kung hindi ng darating pang henerasyon.

You May Also Like