Ang Panabing na Usok

editorial # 13

Nasisiyahan na ba ang publiko sa serye ng mga pangyayaring yumayanig ngayon sa bansa? Ang pagkakakulong nina Sen. Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrado at ang napipintong house arrest o hospital arrest ni Sen. Juan Ponce Enrile ay tila hudyat na totoo ang “Matuwid na Daan” at seryoso ang administrasyong Aquino sa paghatid ng hustisya.

Halos magiisang taon na nang dumagsa ang taongbayan laban sa pork barrel scam sa Luneta, sa EDSA Shrine, sa Makati at sa iba’t ibang plaza at pampublikong lugar sa Cebu, Cagayan de Oro City, Kidapawan City, Zamboanga, Davao at iba pa . Maging mga OFW sa Sydney, Australia, Vancouver, Canada at sa U.S. ay nagpamalas ng kanilang pagkagalit sa isyu ng pagkurakot sa bilyon-bilyong piso mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Ngayong unti-unting lumalaho ang unang init ng pagkapoot sa dibdib ng mga mamamayan, ano ang natira? Habang nagmamatyag pa rin ang bayang Pilipinas sa social media, sa telebisyon at radyo tungkol sa nasabing isyu, hindi maalis sa isipan ng ilan – o marami, depende sa inyong paniniwala tungkol sa masang Pilipino – ang malaking tandang pananong: Sina Revilla, Estrada at Enrile lamang ba ang may sala at dapat managot sa publiko? Ang tatlong mambabatas ay pawang nasa oposisyon at dalawa sa kanila ay maaaring maging matinding kalaban sa halalang pampanguluhan sa Pilipinas sa 2016.

Bagaman, hindi kailangang mag-alala ang tatlong nasasakdal tungkol sa kanilang mga pulitikal na karera dahil sadyang malilimutin ang botanteng Pilipino – nasa piitan ngayon, bukas, makalawa’y balik Senado ang mga ito – humihingi ng kalinawan ang haka-hakang ang buong drama ng imbestigasyon sa pork barrel scam ay isa lamang panabing na usok.

Makikita ba ng taongbayan ang ganap na hustisya sa kaso o mayroon lamang piling personalidad na hahayaang umako sa kabuuan ng paglapastangang ito?

Nang ideklara ng Korte Supremang ‘unconstitutional’ o labag sa Saligang Batasang kontrobersyal na PDAF noong nakaraang taon, nagmistulang parola sa gitna ng kadiliman at kabuktutan na tila lumalamon na sa intregridad ng dalawang sangay ng pamahalaan – ang ehekutibo at ang Pambatasan. Tinanggal din ng Kataas-taasang Hukuman ang dalawang ilegal na probisyon sa dalawang batas kung saan nakasaad na maaaring gamitin ng pangulo ang Malampaya Fund at ang President’s Social Fund para sa ibang proyekto maliban sa ipinaglalaanan ng mga ito.

Ginagampanan ng Korte Suprema ang tungkulin nitong kilatisin ang naturang isyu nang walang bahid na pagkiling, ngunit tila panahon lamang ang makapagpapamalas ng lalim at sidhi ng galit ng ordinaryong mamamayan bunsod ng nasabing katiwalian. Uupo na lamang ba sa isang tabi ang madla o magiging aktibong kalahok sa paghubog ng salaysay ng hustisya sa bansa?

You May Also Like