Ang natutunan ko sa pagsakay sa mga horror ride

miss diNakasakay ka na ba sa horror ride sa karnabal? O ‘di kaya ‘yung horror booth sa mga perya? May panahon na panay ang punta ko sa mga amusement center para sumakay sa mga nakahihilong rides tulad ng Octopus, Caterpillar, Ferris wheel at para na rin subukan ang mga horror booth.

Naalala ko ‘yung ilang beses, kasama ko ang isang kaibigan sa horror ride – sa Boom na Boom yata ‘yon o sa Star City. Matagal na ‘yon pero naaalala ko pa kung gaano katindi ang pagsigaw namin dahil sadya namang nakagugulat ang mga makikita doon sa loob. Siguro every 10 seconds tumitili kami at parang nahuhulog ang puso namin sa gulat. Kahit alam naman naming peke ang mga duguang halimaw at ang mga nakahiga sa kabaong na biglang didilat, nakasisindak pa rin sa unang tingin kaya’t ‘di mapigil ang nakabibinging sigaw at ang magulong pagtakbo palabas. Pagtapos ng ride o booth, pagod na pagod na kami dahil sa kakasigaw kaya pag-abot namin sa exit ay medyo nanghihina na rin ang mga sigaw namin na may kasabay pang tawanan.

Pagkatapos ng mga experience kong ‘yon, nagkaroon ako ng isang pagkatanto. Naunawaan kong matapos ang sunud-sunod na takot at pagsigaw, nasasanay rin tayo kung kaya’t sa huli ay parang wa-epek na. Tulad nito, kapag ang pagkakasala ay inulit-ulit, parang nasasanay ang kaluluwa sa mali niyang ginagawa – kung walang pagsisisi.

Noong patapos na ang horror ride, pati sigaw ko ay pahina na nang pahina – kasi nga hindi na ko natatakot sa nakikita ko. Nasanay na ang mga mata ko. Tulad nito, kapag tinalikuran ang Diyos at ito’y hindi sinundan ng pagsisisi, malamang ay paulit-ulit itong gagawin at tila magiging manhid na sa ginagawang kasalanan – kasi nga sanay na.

So ang ibig sabihin ba niyan, kung nalulong ka na sa bisyo ay walang saysay na magsisi dahil tutal, nasanay ka na? Ano sa tingin mo? May pumipigil ba sa ‘yong bumalik sa Panginoon at lumapit kay Father para magsisi, mangumpisal at magkaroon ng bagong panimula?

You May Also Like