Ang mga “Tsino” sa Pilipinas (Isang Maikling Kasaysayan, Unang Bahagi)

by Prop. Michael Franz T. Ang

Malapit na ang Chinese New Year kaya’t dapat nating malaman ang kasaysayan ng mga Tsino dito sa ating bansa.

Ang mga Tsino ay ang isang etnikong grupo na masasabi natin nakaugat na ng lubusan sa ating kasaysayan. Simula ng 960 A.D. sa panahon ng dinastiyang Sung ay nagkaroon na ng relasyong pangkalakalan ang kapwa Tsino at Pilipino sa pamamagitan ng mga “junk” ng mga Tsino. Ngunit may nagsasabi na kahit pa noong panahon ng dinastiyang Tang ay nagkaroon na ng ugnayan ang mga Tsino at mga Pilipino. (Ginamit ko ang termino na “Pilipino” para ipantukoy sa mga “Pilipino” ngunit wala pang ganitong konsepto hanggang dumating ang panahon ng mga Kastila.) Karamihan sa mga Tsino na dumadayo rito ay galing sa Fujien (Amoy) at Guandong (Canton) na kapwa matatagpuan sa katimugang bahagi ng Tsina.

Noong 1225, si Chau Chu Kua, isang opisyales ng Tsina sa usaping kalakalang panlabas, ay sinalarawalan ang pakikipagkalakalan ng mga Tsino sa Ma-i (Mindoro-Batangas-Manila-Pampanga) sa kanyang Chu Fan Chi (Reports on the South Sea Barbarians). Isa sa mga napakahalagang makukuha sa teksto ni Chau ay sinabi niya na ang mga sinaunang Pilipino ay mga taong hindi madaya o tapat sa kanilang mga transaksyon. Kinumpirma rin ito ni Wang Ta Yuan na sumulat naman ng Tao I Chih Lio (Summary Notices of the Barbarians of the Isles) na isinulat noong 1349. Sa kanyang akda, meron siyang binanggit na Pi She Ya na maaaring tumutukoy sa Visayas. Sabi niya na ang mga taga Pi She Ya ay mga taong may tato at binubuo ng iba’t ibang pangkat pampulitikal.
Bilang karagdagan, sinong hindi nakakakilala kay Lin Feng na mas kilala natin bilang Limahong na isang Tsinong pirata na nakarating sa Pilipinas kasama ang kanyang 70 na mga “junk” na sumakop sa Intramuros (na kilala noon bilang Fuerza de Santiago) sa Maynila noong 1574. Sa kanilang pag-atake, napatay nila si Martin de Goiti na nagtatag ng siyudad ng Maynila at ang iba pa niyang kasamahang Kastila ngunit noong maglaon at napatalsik ni Juan de Salcedo si Limahong dahil nakianib si Rajah Dula at Rajah Sulayman sa mga Kastila. Kung kaya’t, nag-“retreat” ang puwersa ni Limahong sa Pangasinan, kung saan doon na sila uling nalupig ng puwersa ni Juan de Salcedo at ang kanyang mga kasamahan.

Sa panahon ng mga Kastila, nagkaroon ng mas malaking oportunidad ang mga Intsik sa pakikipagkalakalan dahil sa kalakalang Galyon na may rutang Maynila-Mehiko (partikular sa Acapulco, Mehiko). Dumami rin ang mga Tsino na nahikayat na manirahan sa Pilipinas, partikular sa Maynila, dahil na rin sa potensyal na kikitain nila rito. Naging “middlemen” ang mga Tsino sa pagitan ng mga Kastila at mga Pilipino sa usaping pangnegosyo. Ngunit karamihan sa mga Tsino ay hindi pumayag na yakapin ang Kristiyanismo at iba pang mga kaugalian at gawi na isinusulong ng mga Kastila sa mga ito kung kaya’t naging animo’y “threat” ang mga Tsino sa lalong pananakop ng mga Kastila at maaaring maimpluwensyan ng mga Tsino sa mga “indio.” Dahil dito, nagkaroon ng hidwaan ang mga Tsino at mga Kastila.

(Itutuloy)

You May Also Like