Ang Ladlad party-list, kinundena ang pagpaslang sa dati nitong campaign manager

Mariing kinundena ng Ang Ladlad party-list sa isang pahayag ang pagpatay kamakailan sa isa nitong kasapi at dating campaign manager.

Nanawagan din ang grupo sa pulisya ng Abra na magsagawa ng konklusibo at mabilis na imbestigasyon sa pagpatay kay Mercidita Beronillia Bragas.

Si Bragas ay pinaslang kahapon ng hindi pa nakikilalang salarin sa munisipalidad ng San Juan.

Sa inisyal na imbestigasyon, apat na basyo ng M-16 riffle ang natagpuan ng lokal na pulisya sa madamong bahagi kung saan pinatay ang biktima.

Si Bragas ay kasapi ng LGBT at aktibong myembro ng Ang Ladlad party-list. Nangampanya ito para sa grupo noong halalang 2010 at 2013.

Sa parehong pahayag, ipinaabot din ng grupo ang pakikiramay nito sa pamilya at mga kaibigang naulila ni Bragas.

Ang organisasyong Ladlad ay tinatag noong 2003 upang isulong ang mga lehitimong interes at karapatan ng LGBT sa bansa. (William Rodriguez)

 

You May Also Like