Ang Kanser ng Bayan

AlagadNoong isang linggo, dumalo ako sa tinatawag na covenant signing ng Movement for National Transformation, Ang Kapatiran Party, at ang Prolife Partylist. Maraming umakyat sa entablado para magsalita. Galing sila sa iba’t ibang lugar, mula sa iba’t ibang baranggay at munisipalidad, pero iisa ang sinasabi: pampahirap sa taong-bayan ang ginagawa sa kanila ng kanilang lokal na gobyerno, partikular na ang kanilang mga mayor at kongresman.

Sinabi ni Johnny Chang, tumatakbong mayor ng Quezon City, na doble ang pinapataw na buwis sa mga negosyante sa Quezon City kumpara sa mga negosyante sa Makati. Napakalaki ng badyet na nakukuha ng munisipyo ng QC sa mga buwis, at kinikilala ang Quezon City bilang pinakamayamang lungsod sa buong Pilipinas. Pero sa kabila nito, napakarami pa ring mahirap sa lungsod na ito.

Si Glenn Angeles na tumatakbong mayor ng San Juan, ilang dekada na ang tiniis sa pamamahala ng mga Estrada sa kanilang lugar. Ang masaklap nito, ang dinastiya ay lumawak na palabas ng San Juan: si JV ay tumatakbong senador, at si Erap ay lumipat pa talaga ng Maynila para lamang tumakbong mayor.

May Binay, Enrile, at Aquino na tatakbo sa senado. Hindi pa ba tayo nadadala?

Ika nga ni JC delos Reyes (tumatakbong senador, numero 10 sa balota): Insulto sa taong-bayan ang pag-takbo ng mga pamilyang ito, na para bang sila na lang lagi ang magaling, at sila lang ang marunong at may kakayahang mamuno sa ating bansa.

Alam po ba ninyo, mga kapwa ko alagad, na sa mga pamilyang ito lamang umiikot ang halos 33% ng kayamanan ng buong bansa? Kaya walang pagbabago! May tatakbong senador, gagastos ng milyones para lang mahalal, para saan? Para proteksyunan ang interes ng kanilang pamilya at mga mayayaman. Ang mahihirap, lalong humihirap, pero sila-sila, yumayaman at nagsisitabaan.

Nararapat lang na suportahan natin ang mga kandidatong magsusulong ng pagbabago sa ating lehislatura, lalo na ang mga magsusulong ng paglaglag ng Pork barrel system, at pagsulong ng FOI at Anti-Dynasty bills. Sa ganitong paraan ay unti-unti nating masusugpo ang kanser na kumakalat at pumapatay sa ating bayan.

Kung nagugutom kayo at ang inyong mga pamilya sa mga susunod na taon, sisihin natin ang sarili natin, dahil ang mismong hinalal natin ang nagpapahirap sa taong-bayan at sa kapwa niya Pilipino.

You May Also Like