Amerika, hindi makikipagdigma para sa Pinas

Ni: Edward Mico Joseph Agustin

HINDI lalahok ang Amerika kung magkaroon ng digmaan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina dahil sa pag-aagawan sa West Philippine Sea.

Ito ang pananaw ni Prof. Zheng Yongnian ng East Asia Institute ng National University of Singapore.

Sabi ni Yongnian, malabong sumali ang Amerika sa gyera ng Pilipinas at Tsina, sapagkat hindi naman kabilang ang Amerika sa mga bansang naghahabol (claimants) sa West Philippine Sea.

Idinagdag pa ng propesor na taliwas din sa pambansang interes  ng Amerika na isubo ang sarili nito sa gyera ng dalawa.

Kung papanig man ang Amerika sa Pilipinas sa isyung ito, lalo lamang lalala ang sitwasyon, sa halip na maiayos.

 

 

Ang tingin ng propesor, ang maaaring gawin ng Amerika ay titindig ito para tiyaking igagalang ng Tsina ang desisiyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA), ngunit hindi ito tatagal.

Walang sinumang makapipigil sa Amerika na huwag aalis sa oras ng kagipitan, patuloy ni Yongnian.

Aniya, kung aasa lamang ang Pilipinas sa Amerika, mawawala ang kanyang kalayaan, o soberenya, kaya nararapat lamang umanong matuto ang Pilipinas sa karanasan ng Singapore na nanatiling matatag nang manindigan ito sa kanyang sarili.

Payo ni Yongnian, nararapat umanong magtulungan ang Amerika at Tsina, sapagkat sila ang haligi ng kalakal.

Hindi kakayahin ng Amerika na mawala sa kanilang panig ang Tsina, tugon pa ng propesor.

Nabatid na naninindigan ang Tsina na kanila ang West Philippine Sea kahit na mayroon nang desisyon ang PCA pabor sa Pilipinas.

You May Also Like