Alkalde sa Leyte, 5 pang opisyal, 2 negosyante, nandaya sa pagbili ng trak ng basura

 

 

Ni: Joel O. Amongo
 
NAGLIPANA ang mga tiwali at korap sa kahit saang sulok ng burukrasya.
 
Ang iba ay noon pang panahon ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo pa nangyari tulad ng kasong ito.
 
Nabatid ng Tapat News online at bi-monthly newspaper na nagpasya ang Office of the Ombudsman na kasuhan sa Sandiganbayan si Federico Carolino, Sr. alkalde ng bayan ng Capoocan sa Leyte dahil sa krimeng nagawa nito hinggil sa proseso bago ipatupad ang isang proyekto ng pamahalaang lokal.
 
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, nilabag ni Carolino at ba pa ang  Seksiyon 3 ng Republic Act No. 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
 
Kasama sa kasong katiwalian ang mga miyembro ng Bids and Award Committee (BAC) ng Capoocan na sina Pio Antonio Borrel, Macario Noel Gullemas, Letecia Merelos, Frumencio Juntilla, at Jesalie Loteryo.
 
Kabilang din ang mga kinatawan ng Compressed Air Machineries & Equipment Corporation (CAMEC) na sina Manuel Poblico at Jovelito Monesit.
 
Ang kaso nina Carolino Sr., Borrel, Gullemas, Merelos, Juntilla, Loteryo, Poblico, at Monesit ay may kinalaman sa paglabag sa bidding procedure ng proyektong trak ng basura ng pamahalaang lokal ng Capoocan.
 
Sa 23-pahinang resolusyon ng Office of the Ombudsman, tinukoy ni Morales ang paglabag sa batas ni Carolino Sr. at pito pa sa paggawa ng krimen.
 
Ayon sa parehong resolusyon, noong Disyembre 2008, ang CAMEC ang nanalong bidder sa proyektong trak ng basura.
 
Nakasali sa bidding ang CAMEC kahit maraming kuwestiyon dito.
   
Kaya, nagdeliber  ng dalawang dump truck ang CAMEC sa Munisipalidad ng Capoocan, Leyte na noon ay pinamumunuan ni Carolino Sr.
 
Nang imbestigahan ng Ombudsman, nadiskubreng may dayaang naganap sa nasabing bidding.
 
Ang nangyari pala ay hindi tunay na bidding na siyang mahigpit na inutos ng batas, kundi sikretong pag-uusap sa pagitan ng kampo ni Carolino Sr. at ng mga representante ng CAMEC.
 
Nagkaroon ng kontrata ang CAMEC sa pamahalaang lokal ng Capoocan sa kanila ng pagkakaroon ng problema sa pangalan ng CAMEC.
 
Nagkaroon din ng iregularidad sa hindi pagsunod sa brand name, non-compliance sa technical specifications, at hindi pagdeklara ng inaprubahan na tamang badyet para sa nasabing pagbili ng dalawang trak ng basura.
 
Ani Morales, “With the numerous violations committed in the matter of procurement of the two dump trucks, [t]here was clearly manifest partiality and evident bad faith that attended the collective actions of respondents Carolino and BAC members when they performed their respective roles in said procurement.”

You May Also Like