Alin ang Matimbang, ang Banal na Kasulatan o ang Tradisyon?

Ipinagutos ni Kristo sa kanyang mga Apostoles ang magturo, magbinyag, at pagsaluhan ang pag-aalala sa kanya, “Gawin ito sa pag-aalala sa akin.” Ang unang pagkakataon ng pagproklama sa Magandang Balita ay ang Eukaristiya kung saan ang mga Sinaunang Kristyano ay natuto ng Salita ng Diyos mula sa mga Apostoles. Ito ay sinalin sa pamamagitan ng tradisyong pasalita, ikinalat at iningatan hanggang sa mga susunod na salinlahi sa pamamagitan ng Liturhiya at pagpasa sa iba, ang mga obispo, na nagbubuo sa Banal na Tradisyon.

Ang mabilis na pagkalat ng Kristyanismo ay nangailangan ng pagtatala sa lahat ng mga ipinahayag na katuruan. Ang sinaunang tradisyon mula kina Papias, Tertullian, Origen, Eusebius ay nagbibigay patungkol kay San Mateo bilang unang naglimbag ng Ebanghelyo mula sa salitang Aramaic taong 47-55; sumunod si San Marcos na sumulat naman sa wikang Griyego. Ang mga may inspirasyon na naglimbag ng mga nasabing tradisyong pasalita ay nagpasinaya ng pananampalataya na mapatutunayan sa kanilang estilo sa pagsusulat: si Mateo sa mga Hudeong Kristyano; si Marcos sa mga Romano; si Lukas sa mga Gentil; si Juan sa mga bagong Kristyano; si Pablo sa mga komunidad at tao; sina Pedro, Santiago, Juan at Hudas sa Pangkalahatang Simbahan. Noong unang siglo, ang buong Bagong Tipan ay nabuo. Ang Didache ay naisulat sa pagitan ng una at ikalawang siglo bilang maikling salaysay ng lahat ng ito.
Mula sa pagkamatay ng huling Apostoles na si Juan noong 100AD, lahat ng Banal na Pagsisiwalat ay natapos. Ang pagsalin ng katotohanan ay nilimbag sa kasulatan at ikinalat sa buong Kristyanismo mula sa opisyal na kanon na listahan na nananatili sa ating panahon. Mapapansing ang nag titiyak ng pagsang-ayon sa kaugalian (orthodoxy) ay ang pagkakaisa ng Simbahan. Ang makatotohanang turo ng mahisteryo ay sumasalamin sa pagkakaisa ng Santo Papa at mga Obispo at siyang may hawak ng otoridad upang turuan ang mga mananampalataya. Ang mga sumasaliwa at ‘di naniniwala ay pinabubulaanan ng tamang paliwanag mula sa Banal na Tradisyon.

Sa pagitan ng ikalawa at ikatlong siglo naglipana ang mga kasulatang may pagkakahawig sa mga orihinal – ebanghelyo, kasulatan, gawa, at apocalipsis – na galing diumano sa isang apostol, pinuno,o propeta. May ilang dosenang kwestyonableng pinagmulan, gaya ng Ebanghelo ni Tomas, Gawa ni Andres, Apocalipsis ni Pablo, Ebanghelo ni Nikodemeo at iba pa. Maraming mananampalataya ang nalito dahil dito; maraming kanya-kanyang simbahan ang nagsulputan. Napagtanto ng Simabahan na kailangan ng ng isang Kanon ng Banal na Kasulatan upang sugpuin ang pagkalito at upang klaruhin ang mga haka-haka higgil sa kung alin ang mga tama at totoong mga kasulatan ng Lumang Tipan; ang mga pagkakaiba ng Griyegong Lumang Tipan na may 46 na libro kontra sa 39 na koleksyon ng Palestino, kahit pa ang una ay malawak na ang paggamit.

Dahil sa isang mandato mula sa Panginoon na ipagpatuloy, pangalagaan, at ituro ang katotohanan, tinipon ng Simbahang Katolika ang mga Obispo para sa isang Sinod sa Hippo taong 393 at pinag-isa ang mga kasulatan na naging Bibliya. Ang Bagong Tipan ay pinagtibay sa 27 libro at ang Septuahiya ay tinanggap bilang kumpletong Lumang Tipan, habang ang iba pang kasulatan ay inisantabi. Mula dito, kinilala ang 73 na libro na bumubuo sa Bibliya. Tinawag na Apokripa ang mga ‘di nabilang sa nasabing kanon. Lahat ng pagkalito ay naisaayos, lahat ng debate ay tinapos.

Pinagtibay ng mga sumunod na Sinod sa Carthage sa taong 397, 419, at sa Florence noong 1441 ang mga pagbabago ng nauna nang Sinod. Pinagtibay naman ng Konseho sa Trent noong 1546 ang katotohanan ng Banal na Kasulatan at ng Tradisyon bilang mula sa Diyos at batayan ng doktrina ng Kristiyanismo matapos ang pagtanggal ni Martin Luther sa mga librong Deutero-canonicals mula sa Bibliya. Ilinista ng mga Protestante ang mga Deutero-canocnicals bilang Apokripa, at ang Apokripa bilang Pseudepigrapika o mga bulaang kasulatan na nakilala bilang inakda ng tanyag na personalidad tulad ng mga apostol.

Pinagtibay naman ng Unang Konseho ng Vaticano ang lahat ng mga nauna nang desisyon ng mga sinaunang konseho, na siya namang sinangayunan ng Ikalawang Konseho ng Vaticano at binigyan-diin ng mga Ama ng Konseho: Ang mga Banal na Kasulatan at Banal na Tradisyon ay buod ng iisang Banal na deposito ng Salita ng Diyos, na Kanyang ipinaubaya sa Simbahan. Ang pagsunod ng buong banal na sangkatauhan sa mga ito, sa pakikiisa sa sa kanyang mga pastol, ay mananatiling nakahanay sa katuruan ng mga Apostoles (DV 10).

You May Also Like