Alaska, Petron babangon sa masaklap na kabiguan

Kapwa galing sa mapait na kabiguan ang Alaska Milk at Petron Blaze na magtatapat sa Martes, Marso 27, sa pagpapatuloy ng Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Noong Sabado ay binigo ng SanMig Coffee ang Alaska, 84-83, sa isang kontrobersyal na laro na na kinatampukan ng muling pagharap ni Mixers head coach sa dati niyang koponan.

Ito ang ikawalong pagkakataon na makalaban ni Cone ang koponang minanduhan niya ng mahabang panahon at hinatid sa maraming kampeonato at sa ikawalong pagkakataon din ay nanaig ang koponan ng beteranong coach.

Nagkaroon ng kontrobersiya ang pagtatapos ng labang ito bunga ng “double lane violation” na itinawag ng referee habang nasa free throw line ang ace rookie ng Alaska na si Calvin Abueva.

story 1-Petron

May 12.1 segundo na lamang ang natitira sa laro nang ma-foul si Abueva. Nag-mintis siya sa una niyang tira ngunit bago pa man niya mabitawan ang pangalawa niyang gift shot ay tumawag ng double lane violation ang reperi at pinigilan si Abueva sa kanyang pangalawang attempt. Sa halip ay nagkaroon ng jump ball sa gitna ng court.

Ayon kay Alaska coach Luigi Trillo, nagkamali sa tawag ang reperi. Sa halip na magkaroon ng jump ball ay warning lang dapat ang ipinataw nito at binigyan dapat ng isa pang pagkakataon si Abueva sa free throw line.

Bagaman nagbanta ang Aces na maghahain ng protesta sa PBA Commissioner’s office ay nagpasya itong iurong ang reklamo.
Sa huling laban naman ng Petron ay pinataob ito ng Talk ‘N Text sa overtime nitong Biernes, 93-85. Ang masaklap sa kabiguang ito ay matapos na maghabol ang Tropang Texters at makapuwersa ng overtime ay napigilan nito ang Petron na maka-iskor sa five-minute extension.

Abante ng anim na puntos ang Petron, 37.1 segundo na lang ang natitira sa laro nang mag-rally ang Tropang Texters at makapuwersa ng overtime, 85-all.

Sa overtime ay lalong hinigpitan pa ng Talk ‘N Text ang depensa habang nagmintis naman ang Petron sa lahat ng kanilang mga tira.

Matapos na biguin ng Talk ‘N Text ang Petron ay sila naman ang pinabagsak ng Rain or Shine, ang koponang kanilang tinalo sa nakalipas na Philippine Cup finals.

Pinahiya ng Elastopainters ang Tropang Texters, 116-85, Linggo ng gabi para makasalo ng Rain or Shine ang Alaska sa liderato at bumagsak naman ang Talk ‘N Text sa pang-apat na puwesto katabla ng Air21, SanMig Coffee at Ginebra.

You May Also Like