Air21 masusubukan kontra Ginebra

story 1-Air21 masusubukan

Nakalasap ng  kabiguan ang Air21 nito lamang Linggo at ngayong araw, ay tiyak na mapapalaban na naman ang Express sa pagsagupa nito sa Barangay Ginebra San Miguel sa pagpapatuloy ng Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Lumaban nang dikdikan ang Air21 sa unang tatlong quarters noong Linggo ngunit nasapawan ng Rain or Shine sa fourth period para malasap ng Express ang 83-94 kabiguan.

Kontra Elasto Painters ay gumawa ng 34 puntos at kumulekta ng 15 rebounds ang import ng Air21 na si Michael Dunigan pero hindi ito naging sapat para maagaw ang panalo dahil kinapos siya sa suporta mula sa kanyang mga kakampi.

Tanging si Nino Canaleta lamang ang umiskor ng double digit para sa Express sa kinamada niyang 12 puntos.

Sa Miyerkules ay muling madedehado ang Air21 dahil makakalaban nito ang pinakasikat at kasalukuyang pinakamainit na koponan sa liga.

Pakay ng Gin Kings sa Miyerkules na mapalawig sa lima ang winning streak nito.

Inaasahang itatapat ni Ginebra coach Alfrancis Chua kay Dunigan ang kasing husay at kasing sipag na import nitong si Vernon Macklin.

Ngunit di tulad ni Dunigan ay nakakakuha  ng suporta si Macklin sa mga tulad nina LA Tenorio, Kerby Raymundo, Rudy Hatfield at Mac Baracael. Hindi naman matiyak kung makapaglalaro na ang Most Valuable Player na si Mark Caguioa na may iniindang injury.

Sa Miyerkules din ay magtatagisan ang Talk ‘N Text at nagdedepensang kampeong SanMig Coffee, ang dalawang koponang nagharap sa Commissioner’s Cup finals noong isang taon.

Ang Tropang Texters ay aasa kina Larry Fonacier, Jimmy Alapag, Ryan Reyes, Jayson Castro, Kelly Williams, Ranidel de Ocampo at Donnell Harvey.

Ang Mixers naman ay pangungunahan nina James Yap, Peter June Simon, Mark Barroca, Rafi Reavis, Yancy de Ocampo, Wesley Gonzales at Denzel Bowles.

You May Also Like