Agaw-pansin

Editorial Cartoon web

Sa sunud-sunod na malawakang pagtitipon laban sa pork barrel system, mababatid na ang sidhi ng galit ng sambayanang Pilipino tungkol sa naturang usapin ay hindi basta-basta maiibsan. Ayon sa bilang ng Metro Manila Police District 350,000 ang lumahok sa unang protesta laban sa pork barrel noong Agosto 26; 1,200 naman ang sumigaw ng ‘EDSA Tayo’! at tumungo sa EDSA Shrine nitong Setyembre 11; ang pinakahuli ay ang ‘Forward March’ rally kung saan 3,500 na katao ang bumalik sa Luneta upang puwersahin ang administrasyong Aquino na lansagin ang sistema ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), lalo na ang discretionary funds ng pangulo.

Hindi pa nakapagpapahinga ang mga dumalo sa huling rally sa Rizal Park, ngunit kasado na ang susunod — sa ika-21 ng Setyembre, anibersaryo ng pag deklara ni dating pangulong Ferdinand Marcos ng batas militar sa bansa, magtitipon muli ang mga mamamayang nangangakong hindi titigil ang mga kilos-protesta hangga’t mayroong PDAF.

Sa kabilang dako naman ng bansa, walang humpay din ang palitan ng bala sa pagitan ng militar at ng mga rebelde ng Moro National Liberation Front. Ang laman ng balita, kung hindi tungkol sa ulam at merienda ni Janet Lim-Napoles sa bilangguan, ay tungkol sa kaguluhang nagaganap sa Zamboanga. May mga bulung-bulungan na ang krisis sa Zamboanga ay sadyang nasa tiyempo, aral at may layuning agawin ang atensyon ng publiko mula sa isyu ng PDAF.

“Ang krisis sa Mindanao, aagawin nito ang atensyon ng mga tao mula sa pork barrel…May mga tao sa paligid ng pangulo na dalubhasa sa mga ganitong gawain,” pahayag ni Archbishop emeritus Oscar Cruz kamakailan. Kathang-isip o baka naman pawang katotohanan?

Matatandaan may isa pang nagbabagang isyu na ikinaharap ng administrasyon, ang isyu ng Sabah. Sa init ng usapin, hindi mawari ang desisyon ng pangulong Aquino. Nasaan siya noong panahong iyon? Nangangampanya lang naman para sa mga senador at kongresista ng kanyang partido, ang Liberal party. Napakadaling nakamtan ni Janet Lim – Napoles ang pagkakataong makausap nang pribado ang pangulo — mas mabilis pa sa alas kuwatro. Ngunit sa gita ng unos ng karahasan na naranasan ng mga Pilipinong nasa Sabah, ni anino ng pangulo hindi nasilayan ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III. Ito ay sa kabila ng hiling nitong direktang makipag-ugnayan sa pangulo. Sa isang panayam, pinayuhan din ni dating pangulong Fidel V. Ramos si Pnoy na makipagkita kay Sultan Kiram, upang malaman ang mga hinaing nito, ngunit tila walang halaga ang nasabing suhestiyong. Sa social media, makikitang maraming Pilipinong hindi naging kuntento sa reaksyon ni Pnoy, ang iba ay nagngingitngit sa galit, lalo na nang madiskubreng noong 2010 pa nagpadala ng pormal na liham ang Sultan kay pangulong Aquino tungkol sa isyu. Ayon kay Foreign Secretary Albert del Rosario, ang dokumento ay nawala sa “bureaucratic maze”, kung saan man ‘yun.

Dito na lumabas ang alas. Sumabog ang napakahalagang balita na pinaratangan ni Kris Aquino, ang kapatid ng pangulo, ng sexual harrassment ang dati nitong asawa na si James Yap. Tulad ng isang pratiksadong pag-inog, sabay-sabay ginawang headline ng mga kilalang pahayagan ang nakapakaimportante at lubhang makabuluhang balitang ito. ‘Di nagtagal at umiiyak na si Kris sa lahat ng malalaking TV networks para isalaysay ang mga kaganapan sa teleserye ng kanyang buhay. Kung hindi pa sapat, buntut-buntot din ang mga magkakapatid na Aquino, sina Pinky, Ballsy, Viel — lahat naka itim na parang dadalo sa burol.

Mayroon bang nagtaka kung bakit, parang tubig-bukal ang tulo ng luha ni Kris at abot-abot ang mga hinaing niya tungkol sa tinitiis na pighati? Teka, hindi ba’t matagal na silang hindi nagsasama? Kailan ba nangyari ang insidenteng sexual harrassment? Noong Disyembre, tatlong buwan na ang nakalilipas. Ngunit, ang tiyempo kung kailan ilalabas ang istorya at hysteria ay swak na swak upang piitin ang pansin ng mga nanonood at nagbabasa mula sa usapin ng Sabah.

Mali ang mga Aquino sisters, hindi sila ang dapat mag itim, kundi tayo. Ang totoong napaslang ay ang kredibilidad ng adminstrasyon. Matagal na nating alam ito.

You May Also Like