AFP: KAYANG TAPUSIN ANG ABU SAYYAF KAHIT WALANG SUNDALONG AMERIKANO

 

Ni: Jan Sinocruz

 

“KAYA naman natin kahit wala na ang US troops sa Mindanao, pero medyo matatagalan ang ating operasyon laban sa mga grupo ng terorismo sa lugar dahil sa mga naibibigay na mga asiste sa atin ng tropang ng Amerikano.”

Ito ang pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP)  Brigadier General Restituto Padilla nang makausap ng TapatNews.com kung sakaling matuloy ng pagpapaalis ng mga sundalong Amerikano sa Mindanao.

Mayroong 107 sundalong Amerikano ngayon sa Mindanao na nakabaseng lahat sa Zamboanga City.

Brig. Gen. RESTITUTO PADILLA
Brig. Gen. RESTITUTO PADILLA

Ang pahayag ni Padilla ay paglilinaw sa posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapaalis ng mga sundalong Amerikano sa Mindanao.

Idiniin ni Duterte nitong Lunes na gusto niyang mawala na ang mga sundalong Amerikano sa Mindanao, sapagkat sila ang dahilan kung bakit patuloy na nagaganap ang kaguluhan sa nasabing isla.

Inginuso ng Pangulo ang pagpapatalsik sa mga dayuhang sundalo, sapagkat ang gusto niyang mangyari ay magkaroon na ang Pilipinas ng foreign policy na hindi nakayakap sa puson ng Estados Unidos ng Amerika.

Simula kay Emilio Aguinaldo, si Duterte  lamang ang tanging Pangulo ng bansa na bumira sa Pangulo ng pinaka-makapangyarihang  bansa sa daigdig.

Ang pahayag ni Padilla ay paglalahad na may kapasidad ang AFP na tapusin ang mga kaaway ng estado, lalo na ang notoryus na teroristang Abu Sayyaf Group (ASG), ngunit ito ay matatagalan.

Pangulong RODRIGO DUTERTE
Pangulong RODRIGO DUTERTE

Nangangahulugan lamang na “mahalaga” ang Estados Unidos sa kampanya ng Pilipinas laban sa mga teroristang grupo.

Sa kongkreto, ang Amerika ay nakatutulong sa intelligence, pagsasanay, at iba pang aspeto na may kinalaman sa kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo.

Nanindigan naman si Padilla na walang malaking epekto sa kampanya ng gobyerno laban sa terorismo, partikular sa ASG, sapagkat tuloy pa rin naman ang paglusob at pagpuksa sa ASG.

Ang mga sundalo ng Amerika na nakadestino sa Pilipinas, kasama na ang nakabase sa Zamboangga City, ay hindi aktibong lumalahok sa aktuwal na pakikipagbarilan sa mga sundalo ng ASG.

Isinusog pa ni Padilla na walang nakikitang negatibong epekto ang pamunuan ng AFP sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) kung sakaling ituloy ang pagpapaalis sa 107 sundalong Amerikano sa Mindanao.

Sa kabilang banda, inamin ng hepeng AFP Public Affairs Office (PAO) na si Col. Edgard Arevalo na nakapanghihinayang kung magiging pinal ang pagpapalayas sa mga sundalong Amerikano, dahil maraming naitutulong sa AFP ang pananatili ng mga sundalong Amerikano, partikular sa larangan ng “training, technical and humanitarian, and disaster assistance.”

Nakatutulong din ang mga sundalong Amerikano sa usapin ng “intelligence information, o shared intelligence information” laban sa mga terorista, patuloy ni Arevalo.

Magugunita na noong mangyari ang sagupaan ng Special Action Force (SAF), Moro National Liberaton Front (MILF), at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Mamasapano, Maguindanao kung saan nasawi ang 44 pulis ng SAF, balitang-balita ang pagtulong ng pamahalaan ng Amerika dahil sa presensiya ng mga sundalong Amerikano.

Ang mga Amerikano ang sinasabing nagdala sa iba’t ibang ospital ang mga sugatan na mga pulis.

Matatandaan na idiniin ng AFP na ang tanging naging partisipasyon lamang ng mga Amerekanong sundalo noong naganap ang naturang insidente ay ang pagbibigay ng “intelligence sharing” at “medical evacuation.”

Hindi sila sumama sa operasyon na tinawag na ‘Oplan Exodus’ ang mga sundalong Amerikano.

Ngunit, idiniin ni Arevalo na hindi raw magiging hadlang ang sa kanilang operasyon laban sa ASG kahit walang mga sundalong Amerikano.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like