Ad agency president, kulong nang di magbayad ng P3-M

INANUNSYO ng Social Security System (SSS) ang tagumpay nito laban sa presidente ng isang advertising agency na hindi nagbigay ng mga benipisyo sa kanyang mga empleyado ng halos P3 milyon sa loob ng 10 taon.
 
Ayon kay SSS Assistant Vice President ng Operations Legal Department Renato Jacinto S. Cuisia, nahatulan ng pagkakakulong ng apat na taon hanggang dalawampung taon ang presidente ng Peña, Larzaga and Wilwayco (PLW), Inc. na si Adriel C. Peña.
 
Maliban kay Peña, nasampahan din ng kaso para sa paglabag sa Social Security Act (SS Act), o ang Republic Act No. 1161 na naamiyendahan ng Republic Act 8282, ang miyembro ng Board of Directors na sina Edwin C. Wilwayco, Nestor A. Largoza, Jesus Rey C. Lalie at Felimon D. Garcia.
 
Subalit, na-dismis ang kaso laban kay Wilwayco habang nag-isyu ng Warrant of Arrest laban kina Largoza, Lalie, at Garcia na sa kasalukuyan ay pinaghahanap na.
 
Idniin ni Cuisia “Ipinag-utos din ng mababang hukuman kay Peña na magbayad ng P2.8 milyon para sa mga hindi nabayarang kontribusyon kasama na ang penalties para sa mga taong 2001 hanggang 2011. Sa ilalim ng SS Act, ang mga kontribusyon na hindi nabayaran ay papatawan ng tatlong porsyentong penalty hanggang sa mabayaran ito ng buo.”
 
Base sa desisyon, nagbigay si Peña ng P317,000 bilang paunang bayad sa kabuuang utang ng kumpanya sa SSS.
 
Subalit, sinasabi niya na malinis ang kanyang konsensya at diumano’y wala syang alam na hindi ibinabayad ni Garcia ang kontribusyon ng mga empleyado nila.
 
Ayon kay Cuisia, noong paglilitis, sinabi ni Peña na ang tanging trabaho niya bilang presidente ay pumirma ng mga dokumentong may kinalaman sa operasyon ng kanilang kumpanya.
 
Kanyang iginiit na hindi dapat siya managot para sa kabuuang halaga ng utang ng kanilang kumpanya kundi sa parte lamang ng nito, patuloy ni Cuisia.
 
“Ang sinasabi ni Mr. Peña na malinis ang konsensya niya dahil sa pagbayad niya ng ilang bahagi ng kanilang pagkakautang mula mismo sa sarili niyang bulsa ay hindi tinanggap ng korte. Ayon sa desisyon, hindi dahilan ang boluntaryong pagbayad na ito para maalis ang responsibilidad niya sa pagpapatakbo ng kanilang kumpanya gayundin ang paglabag niya sa SS Act,” ayon kay Cuisia.
 
Makikita sa talaan na masipag na nagbabayad ang PLW ng kontribusyon ng mga empleyado nito sa mga unang taon ng operasyon nito.
 
Base sa imbestigasyon na isinagawa ni SSS Account Officer Felix Ike T. Dungca, nagsimula lamang maging delingkwente ang kumpanya noong taong 2001.
 
Ayon kay Dungca, matapos ang masusing pagsusuri at pagkumpara sa mga rekord ng PLW, personal niyang inihain sa kumpanya ang billing letter mula sa SSS na naglalaman ng halaga ng delinquency nito.
 
Pagkalipas ng 15 araw, walang natanggap na sagot ang SSS mula sa PLW kaya pinadalhan na ito ng SSS ng demand letter.
 
“Sinabi ng PLW na ang hindi nila pagbayad ng kontribusyon sa SSS ay dulot ng pagkalugi at mismanagement. Subalit, hindi tinganggap ng korte ang depensang ito dahil ang simpleng paglabag sa mga especial na batas gaya ng SS Act ay sapat na para managot ang taong lumabag dito,” ayon pa kay Cuisia.
 
Sa loob ng taong ito, nakapagpanalo na ang SSS ng apat na kaso laban sa mga miyembro ng board of directors ng mga kumpanyang delingkwente sa pagtupad ng kanilang obligasyon sa SSS. (Tapat News Team)

You May Also Like