Abante, Bisaya!

yenNakalulungkot ang sinapit ng mga kababayan natin dahil sa sunod-sunod na kalamidad na nangyari sa bansa, ngunit ang mas nakalulungkot ay ang walang humpay na bangayan ng mga lokal na opisyal sa kabila ng malaking problemang kinakaharap ang Pilipinas.

Mabuti pa ang ibang bansa na tahimik na tumutulong sa mga biktima ni Yolanda. Teka! Kamusta na nga pala ang mga donasyon na pinamamahalaan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD? Naibahagi kaya nang maayos ang mga iyon?

Eh, ang bilyung-bilyon piso na mula sa iba’t ibang bansa, saan kaya napunta?

Kasama ang Caritas Interanationalis at National Secretariat for Social Action Justice and Peace, pumunta kami sa ilang apektadong lugar tulad sa Ormoc at Tacloban noong Disyembre. Nabisita rin namin ang Diocese of Palo kung saan mahigit isang libong mga biktima ang panandaliang naka-himpil sa diyosesis ng mga panahong iyom (na apektado rin ng bagyo).

Nakita ko sa mukha ang mga ngiti dahil sa wakas natapos na rin ang kalamidad pero mababanaag pa rin ang hapdi at kirot sa mga mata ng mga biktima na tila nagtatanong, “Saan kami pupunta mula rito?”

Nakadudurog ng puso ang makitang binibisita ng mga anak ang kanilang mga magulang sa “mass grave” sa Tacloban. Ang makitang nakahilera ang mga bangkay na biktima ni Yolanda. Ang makitang napakahaba ng pila para kumuha ng relief goods. Ang makita at maramdaman na hindi alam ng gobyerno kung ano ang gagawin para sa kanilang bayan.

Ganunpaman, naniniwala ako at nananalig na lahat ng ito ay malalagpasan rin ni Juan Dela Cruz sa tulong ng Panginoon.

Para sa mga kababayan natin lalo na sa kabisayaan, hindi kayo nag-iisa. Abante, Bisaya! (re4teraker@hotmail.com)

You May Also Like