9,000 manggagawa sapul sa 10 suspendidong minahan

 

 

 Ni: Marites Badilla
 
INAMIN ng isa sa pinakamalaking alyansa ng mga organisasyon ng mga manggagawa sa bansa na 9,300 manggagawa ang nawalan ng hanap-buhay nang biglang ipinatigil ni Environment Secretary Regina Lopez ang sampung minahan sa bansa dahil sa tahasang paglabag ng mga ito sa mga batas-kapaligiran at mga internasyunal na pamantayan sa pagmimina.
 
Ngunit, hindi masama ang loob, o nagagalit ang higit 9,000 manggagawa kay Lopez, ayon kay Associated Labor Unions (ALU) executive vice-president Gerard Seno.
 
Sa halip, nagpapasalamat ang mga manggagawa, sapagkat sila ay bibigyan ng alternatibong pagkakakitaan ni Lopez, banggit ni Seno.
 
“We commend Secretary Lopez for providing the means of livelihood for thousands of mine workers displaced by Duterte administration’s campaign to make mining companies compliant with Philippine government’s environmental and safety standards in mining,” sabi ni Seno.
 
“We hope that these livelihoods could help mine workers and their families transition themselves toward regular and gainful employment,” patuloy ng lider-manggagawa.
 
Matatandaang nangako si Lopez sa mga tinamaang manggagawa dahil sa isinasagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pagpapatigil ng operasyon ng mga minahang lumabag sa batas-kapaligiran at mga internasyunal na pamantayan sa pagmimina.
 
Sa kasalukuyan, 10 minahan mula 40 ang ipinahinto ang operasyon.
 
Idiniin ni Lopez na higit na isinasalang-alang ng DENR ang kapaligiran, kalikasan, kalusugan ng publiko, at kaligtasan ng pamayanan kaysa ang maliit na ambag ng mga kumpanya ng pagmimina sa gross national product (GDP) ng bansa at higit  200,000 trabaho na ibinigay ng mga mining firm, kaya ipinapatigil ang kanilang mga operasyon.
 
Ayon kay Lopez, ang gustong mangyari ng DENR ay ayusin ng mga kumpanya sa pagmimina ang kanilang pagnenegosyo.
 
Dapat tiyakin ng mga kumpanya na tama at tapat ang kanilang pagmimina na siyang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
 
Inaasahang marami pang mga manggagawa ang mawawalan ng trabaho bunga ng agresibong kampanya ni Lopez laban sa mga abusadong kumpanya ng pagmimina.
Kahit pinupuri ng ALU si Lopez, tiniyak naman ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU, na babantayan ng ALU ang pangako ng kalihim na alternatibong mapagkikitaan.

You May Also Like