9 ‘Pulis Ninja’, Ipatatapon sa Mindanao

 

 

Ng: Tapat News Team (TNT)

ANG pulis ay nangunguna sa paglaban sa iligal na droga.

Hindi iyong nangunguna pa sa muling pagbebenta sa merkado ng nakukumpiskang shabu.

Ito ang pinaniniwalaang dahilan kung bakit nasibak ang siyam na pulis ng Quezon City Police District (QCPD) at ililipat sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), sapagkat ang District Anti-Illegal Drugs-Special Task Operations Group (DAID-STOG) ay pinagdududahang nasangkot sa muling pagbebenta ng shabu na nakukumpiska nito mula sa mga tulak ng shabu.

Ang tawag ng mga pulis at media sa muling pagbebenta ng shabu na nakukumpiska ay “recycling.”

Ang gumagawa naman nito ay “ninja” ang tawag.

Inamin nitong Biyernes ni Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, acting QCPD chief, na siyam sa tauhan ng QCPD ang nakatakdang ipadala sa ARMM.

Ang siyam ay tinanggal na sa DAID-STOG, banggit ni Eleazar.

Sila ay nasa “holding area” ng QCPD sa Camp Karingal sa Quezon City habang inihahanda ang kanilang pag-alis.

Dahil dito, 44 na ang pulis naipatapon sa iba’t ibang yunit ng Philippine National Police (PNP) sa Mindanao.

Sila ay ilalagay sa mga lugar na kuta ng mga terorista.

Noong Hulyo 2, 35 na pulis ang ipinadala sa Mindanao.

Ang pinakataas na ranggo sa ipinatapon sa Mindanao noong Hulyo 2 ay superintendent, colonel ang katumbas nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang ikalawang batch ng sibakan ay sina SPO4 Angelito S. Camero, SPO3 Dennis N. Padpad, SPO2 Louie P. Gabion, SPO1 Ronaldo A. Isidro, SPO1 Feliciano D. de Leon, PO3 Nelson G. Cruz, PO3 Charlie N. Ulanday, PO3 Francisco A. Manago, at PO2 Allan L. Ibalin.

Ang pinuno ng DAID-STOG na kanilang kinabibilanggan ay si Chief Insp. Enrico Figueroa.

Si Figueroa ay itinalaga bilang hepe ng DAID-STOG ni Chief Supt. Edgardo Tinio na siya noon ang hepe ng QCPD.

Si Tinio ay nasibak sa pagiging pinuno ng QCPD makaraang ibunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa siya sa limang heneral ng PNP na protektor ng sindikato ng droga.

Ang iba pa ay sina Director Joel Pagdilao, Chief Supt. Bernardo Diaz, Deputy Director Marcelo Garbo (retirado), at Chief Supt. Vicente Loot (retirado at kasalukuyang alkalde sa isang bayan sa Cebu).

Sina Tinio, Pagdilao, at Diaz ay iniimbestigahan ng National Police Commission (Napolcom)

Ang Department of Justice (DOJ) ang mag-iimbestiga kina Pagdilao at Loot dahil retirado na sila.

Ang DAID-STOG na pinamumunuan ni Figueroa ay balitang-balita na sangkot sa pagrecycle ng shabu.

Pumutok ang akusaasyong ito matapos magreklamo ng isa sa apat na dayuhang inaresto ng DAID-STOG at pinagkumpiskahan ng shabu nitong Abril, panahon ng eleksyon.

Idineklara ng DAID-STOG na 70 kilong shabu ang nakuha sa dalawang Chinese at dalawang Taiwanese sa operasyong naganap sa Quezon City ng nasabing yunit ng pulisya.

Ngunit, nang mabalitaan ng apat na suspek, isa sa kanila ang nagbunyag na 180 kilos ng shabu ang nakuha sa 4 na dayuhang tulak ng shabu at hindi 70 kilo.

Ang nawawala ay 110 kilo ng shabu na tinatayang higit P700 milyon ang halaga.

Higit P1 Bilyon ang halaga ng 180 kilong shabu.

You May Also Like