700 opisyal ng LGUs walang pakialam sa basura

 

 

 Ni: Bernard Badilla-Toledo
 
INIIMBESTIGAHAN ng Office of the Ombudsman at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 700 opisyal ng local government units (LGUs) sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa reklamong pagpapabaya ng nakatiwangwang na tapunan ng mga basura.
 
Ayon sa Ombudsman at DENR, ang mga iniimbestigahan ay kasalukuyang alkalde, dating alkalde, bise-alkalde, dating bise-alkalde, mga konsehal, city environmental at natural resources officers.
 
Idiniin ng dalawang ahensiya na ang pagbabaya sa nakatiwangwang na tambakan ng basura ay paglabag sa Republic Act 9003, o Ecological Solid Waste Management Act.
 
Ang mabahong imbakan ng basura ay mayroong masamang epekto sa kalusugan ng mga tao.
 
Kaya, dapat hindi ito pinababayaan ng pamahalaang lokal.
 
Hindi tinukoy ng Ombudsman at DENR ang mga opisyal na iniimbestigahan, sapagkat hindi pa tapos ang imbestigasyon.
 
Ang tiyak pa lamang sa ngayon ay sasampahan ng kaukulang kaso ang mapatutunayang lumabag sa RA 9003.
 
Nabatid ng Tapat News online at bi-monthly newspaper na 50 sa 700 opisyal ay mula sa lalawigan ng Rizal at Cavite.
 
Sa pagkakaalam ng Tapat News ay wala pang opisyal ng pamahalaang lokal ang naparurusahan ng korte at nakukulong dahil sa pagpapabayang nakatiwangwang ang imbakan ng basura.

You May Also Like