7 pulis QCPD, EPD, sangkot sa drug syndicate

Ni: Marites Badilla

PITONG pulis na nakadestino sa Quezon City Police District (QCPD) at Eastern Police District (EPD) ang kasalukuyang iniimbestigahan upang matukoy kung sila ay sangkot sa sindikato ng droga, o hindi.

Ang imbestigasyon laban sa pito ay isinagawa makaraang magpositibo sila sa shabu batay sa isinagawang drug test ng QCPD at EPD, saad ni Chief Supt. Oscar Albayalde, direktor ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO).

Sa pito, apat ang nakadestino sa QCPD at tatlo naman sa EPD.

Ang sakop ng EPD ay ang Pasig City, Mandaluyong City, San Juan City, at Marikina City.

Hindi ibinunyag ni Albayalde ang mga pangalan ng pito upang huwag ‘masunog’ ang imbestigasyon.

Ang salitang masunog ay terminong ginagamit ng pulis, na ang ibig sabihin ay masira o mawasak ang imbestigasyon.

Sa kasalukuyan, ang tiyak pa lamang ay “drug user” ang pitong pulis, saad ni Albayalde.

 

 

Iniimbestigahan ang pito upang matukoy kung sila ay bahagi ng mga drug syndicate, o protektor, o talagang gumagamit lang ng shabu, patuloy ng heneral.

Aalamin din sa parehong imbestigasyon kung saan sila kumukuha ng shabu, patuloy ni Albayalde.

Matatandaang may mga napapabalitang nababawasan ang mga shabu na nakukumpiska ng pulisya mula sa mga drug dealer na nahuhuli nila at ito ay ibinebenta ulit nila sa mga gumagamit ng shabu.

Ang pulis na gumagawa nito ay tinatawag sa PNP na “ninja.”

Idiniin ni Albayalde na ang isinasagawang imbestigasyon sa mga pulis na kaparis ng pitong adik ay bahagi ng paglilinis sa PNP alinsunod na rin sa direktiba ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa.

You May Also Like