7 Bihag ng ASG, Hindi Tutubusin ng P200-M

Mariing nanindigan ang papasok na administrasyong Duterte na hindi tutubusin ang pitong dayuhang bihag ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG).
 
Sabi ni Sec. Jesus Dureza, negosyador para sa kapayapaan ng bagong administrasyon, sasagipin ang mga bihag sa pamamagitan ng pakikipag-usap at iba pang diskarte.
 
Hindi kasama ang pagtubos na higit P200 milyon ang halagang itinakda ng ASG.
 
Matatandaang inanunsiyo kamakailan ng ASG na higit P200 milyon ang hinihingi nitong halaga kapalit ang kalayaan at kaligtasan ng pitong bihag na panay dayuhan.
 
Matunog na matunog sa mga pamayanang malapit sa kuta ng ASG ang nakararating sa media na palaging nagbibigay ng bayad ang mga nakikipag-usap sa ASG kapalit ang kalayaang ng mga bihag nito.
 
Ang tawag ng ASG dito ay “board and logging fee.”
 
Idiniin ni Dureza na hindi rin kasali ang paggamit ng puwersa.
 
Aniya, hindi kailangang lusubin at bombahin ang pinagtataguan ng ASG dahil maraming inosenteng residente, bihag, at pamayanan ang apektado.
 
Kumbinasyon ng maraming diskarte ang gagawin ng grupong nag-aasikaso sa kalayaan ng pitong bihag, sapagkat kumplikado ang sitwasyon, tugon pa ni Dureza.
 
“Kumplikado ang sitwasyon. You cannot put it in one box,” paliwanag ng Kalihim.
 
Ngunit, inilinaw pa niya na ang lahat ng diskarte laban sa ASG ay alinsunod sa itinakda ng mga batas.
 
Ang pitong bihag ay pinakabago sa mga naunang bihag ng ASG.
 
Kamakailan pinalaya ng notoryus na grupo si Marites Flor.
 
Ang nakarating na impormasyon sa media ay P25 milyon ang ipinantubos kay Flor.
 
Mariing itinanggi ito ni Dureza.
 
Si Flor, kasama sina  Kjartan Sekkingstad (Norwegian), Robert Hall (Canadian), at John Ridsdel (Canadian) ay kinibnap ng ASG sa Samal Island noong Setyembre 2015.
 
Si Sekkingstad ay kasama sa pitong kasalukuyang bihag ng ASG.
 
Samantala, ang dalawang Canadian ay pinatay na ng ASG, ilang araw na ang nakalilipas, dahil hindi umabot ang pagbibigay ng perang ipantutubos sa dalawa sa petsang itinakda ng teroristang grupo.
 
Umaasa si Dureza na magtatagumpay ang administrasyong Duterte sa pagsagip sa pitong dayuhan mula sa ASG sa maayos na pamamaraan at walang ibibigay na halaga kahit babaan pa ito ng ASG. (Tapat News Team)

 

Propellerads

You May Also Like