635 Kasong Tax Evasion at Smuggling Nabubulok na sa DOJ

Ni: Marites Badilla
 
TAHASANG nanawagan ang isang organisasyon ng ordinaryong mamamayan kay Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng pansin ang 635 kasong tax evasion at smuggling na, anila,  nabubulok na sa Department of Justice (DOJ).
 
Ang mga kaso ay pumapalo sa P103 Bilyong pera na hindi nakarating sa pamahalaan bunga ng napakalalang korapsiyon at smuggling na kinasasangkutan ng mga opisyal ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Customs (BOC), saad ni Rodolfo Javellana, pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC).
 
Ang inilantad ni Javellana ay iba pa sa “selective attack” sa mga mambabatas na sagkot sa pagnanakaw sa P10 Bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) o ‘pork barrel’ na ipinampondo umano sa  napabalitang huwad na mga non-governmental organizations ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.  
 
Sa 200 mambabatas na sangkot sa PDAF scam, sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Ramon Revilla Jr. lang ang mga idiniin sa kaso.
 
Silang tatlo lamang ang ipinursige ng nakalipas na administrasyon na dapat mabilanggo dahil sa nakawang naganap sa PDAF.
 
Si Enrile ay pansamantalangg nakalaya, dahil nakitaan ng butas ang isinampang kaso laban sa kanya.
 
Walang “bill of particulars”, matanda, at mahina na ang kanyang pangangatawan, kaya pinayagan siya ng Korte Suprema na makalabas ng kulungan.
 
Sina Joel Villanueva at Rozzano Rufino Biazon ay kinasuhan din, ngunit hindi pa nakarating ang kanilang mga kaso sa Sandiganbayan mula sa Office of the Ombudsman.
 
Si Villanueva ay senador na, samantalang si Biazon ay kongresista na uli.
 
Ani Javellana, walang ginawa sa mga kaso ang DOJ na anim na taong pinamunuan ni Leila de Lima.
 
Ngayon, senadora na si De Lima.
 
Ayon kay Javellana, umaabot sa P200 Bilyong buwis ang hindi napupunta sa pamahalaan taun-taon dahil sa smuggling at tax evasion.
 
Idiniin din ni Javellana na nanatiling talamak ang korapsyon sa pamahalaan, partikular sa BOC, sa nakalipas na anim na taon, taliwas sa iginiit ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco III na sineryoso ng kanyang administrasyon ang gyera laban sa korapsiyon.
  
Sa pagkakataong ito, lubos na umaasa ang UFCC na pakikinggan ni Duterte ang kanilang panawagan hinggil sa 635 kaso ng tax evasion at smuggling.
 
Sa partikular, dapat kagyat na utusan ni Duterte si DOJ Sec. Vitallano Aguirre na bigyan ng pansin ang 635 kaso.

You May Also Like