6,212 Hacienda Luisita farmers, nabiyayaan na ng lupain

TARLAC CITY, Tarlac–Makaraan ang mahigit 10 taon, tumanggap na nitong nakaraang lingo ang may 6,212 mga magsasaka ng Hacienda Luisita na benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng lupa na pagmamay-ari ng pamilya ni Pangulong Benigno Aquino III sa naturang lalawigan.

Pagkatapos ng 'di mabilang na demonstrasyon at protesta, nagawad na sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang kanilang lupain.
Pagkatapos ng ‘di mabilang na demonstrasyon at protesta, nagawad na sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang kanilang lupain.

Ang naturang bilang ay mula sa 8,641 bilang ng mga magsasaka na nag-apply bilang benepisyaryo ng lupain ng mga Cojuangco mula noong Mayo 2012. Ito ay sampung buwan mula nang magpalabas ng kautusan ang Korte Suprema na dapat ipamahagi ang kontrobersyal na lupain.

Personal na tinungo ni DAR Secretary Virgilio delos Reyes ang barangay Mapalacsiao, Tarlac City, isa sa mga bayang sakop ng Hacienda Luisita, at doon ay naipaskil ng kalihim ang pangalan ng naturang mga magsasaka na makikinabang sa lupain ng mga Cojuangco.

Nilinaw ni delos Reyes sa mga magsasaka na hindi maaaring maibenta sa loob ng sampung taon ang lupaing naibigay sa kanila ng pamahalaan dahil kung ibebenta nila ay babawiin ito sa kanila ng pamahalaan at may kaukulan pang kasong kakaharapin.

Ang bagay na ito ayon sa kalihim, ang ilan sa mga kasunduan na nabuo kaugnay ng ginawang pamamahagi ng lupain sa mga CARP beneficiaries ng Hacienda Luisita.

Isa naman ang 63-anyos na lolang si Aling Julieta Garcia na kasama sa listahan ng mga makikinabang sa naturang lupain ang personal na nagpasalamat sa kalihim.

You May Also Like