6 bata ni Espinosa, patay sa engkuwentro

 

 

 Ni: Tapat News Team (TMT)
 
ISA-ISA nang inuubos ang sindikato sa droga ng mag-amang Rolando Sr. at Kerwin makaraang pasukuin sila ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.
 
Kaninang pasado alas 5:00 N.U., anim na tauhan ng mga Espinosa ang namatay nang lusubin ng mga alagad ng batas ang kanilang mga bahay sa Sitio Tinago sa Brgy. Benolho, Albuera, Leyte.
 
Kahapon, sumuko si Mayor Espinosa Sr. kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa Camp Crame sa Quezon City.
 
Sa kanyang pagsuko, inamin ni Espinosa na ang kanyang 24-taong-gulang na anak na si Kerwin ay isang drug lord.
 
Sabi niya kay Dela Rosa, hindi na niya kayang masawata ang kanyang anak sa pagpapatakbo ng sindikato ng droga.
 
Inulit ni Dela Rosa na kailangang sumuko si Kerwin alinsunod sa direktiba ni Duterte.
 
Sabi ni Dela Rosa, hawak ni Kerwin ang merkado ng droga sa Eastern Visayas.
  
Ayon sa ulat ng PNP, si Kerwin ay kasalukuyang nasa ibang bansa.
 
Sa naganap na engkwentro kaninang 5:30 N.U., dalawa sa tao ni Espinosa ay namatay sa bahay niya.
 
Dalawa ang namatay sa bahay ni Kerwin at dalawa pa ang natigok sa isa pang bahay ni Mayor Espinosa.
 
Inaasahang madadagdagan pa ang mamamatay sa sindikato ng mga Espinosa, sapagkat apat pa umanong tauhan ng mag-ama ang hinahanting ng mga pulis habang sinusulat ang balitang ito.
 
Matapos ang engkuwentro, 14 na matataas na kalibre ng mga baril at bala ang nakumpiska ng mga awtoridad.
 
Ayon sa ulat, si Mayor Espinosa ay isa sa mga alkaldeng sangkot sa iligal na droga.
 
Nabunyag ang iligal na negosyo ng mga Espinosa makaraang makakumpiska ang mga alagad ng batas ng 237 gramo ng shabu na tinatayang P1.9 Milyon ang halaga sa isinagawang drug buy-bust operation sa bahay ng mga Espinosa nitong Hulyo 28.
 
Limang empleyado ng mag-amang Espinosa ang nasakote sa nasabing operasyon.

You May Also Like