500 Drug Dealer, na napatay ng pulis nakaaalarma

 

 

Ni: Joel O. Amongo

NAKAAALARMA na ang bilang ng napapatay ng mga pulis sa mga binansagan nilang drug dealer dahil umabot na ito sa 500 katao simula Hunyo 30.

Dahil sa malaking bilang na ito, sumali na ang Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) sa mga organisasyong nanawagan sa administrasyong Duterte na igalang ang karapatang pantao ng mga kriminal.

Idiniin din ni Karl Isaac Santos ng PAHRA na kailangan ding igalang at pairalin ang tamang proseso ng criminal justice system sa mga tinukoy ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa pagbebenta ng shabu.

Sa Pilipinas, kahit kriminal, o sagad-saring drug lord, ay mayroong karapantang pantao na dapat isailalim sa tamang proseso ang pagdedesisyon na siya ay nakagawa ng krimen laban sa kapwa niya at sa estado.

Aminado ang PNP na marami nang namamatay dahil sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga, ngunit tiniyak nilang ang mga ito ay namatay makaraang lumaban sa mga pulis.

Inulit kamakalawa ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, pinuno ng Philippine National Police (PNP) na magpapatuloy ang kampanya ng pambansang pulisya laban sa mga drug dealer, kabilang na ang mga Chinese drug dealer hanggang sila ay maubos lahat.

Ang pahayag ni Dela Rosa ay nakabatay sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nitong Biyernes, si Meco Tan ang kauna-unahang Chinese drug dealer ang namatay sa pinagsanib na operasyon ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Matatandaan na nanawagan din si Arsobispo Socrates Villegas sa PNP na huwag ilagay sa kanilang kamay ang batas sa pagsusulong ng kampanya laban sa mga nagtutulak ng iligal na droga.

Iginiit ni Villegas na mali at labag sa utos ng Diyos ang pumatay ng kapwa.

Ang mensahe ni Villegas ay iba at malayo sa sinasabing ipinatutupad ang batas ng mga alagad ng batas.

Ipinaliwanag pa ng pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang pagpatay ng pulis sa mga tulak ng bawal na gamot ay bilang depensa lamang ng sarili, o pagtatanggol sa ibang tao at hindi ang dapat na pangunahing puntirya ng mga pulis.

Ang 500 drug dealer umano ay napatay sa operasyong Oplan Tokhang (tuktok hangyo), o double barrel laban sa mga tulak ng iligal na droga.

Ang malinaw na halimbawa ng paglabag sa karapantang pantao at kawalan ng tamang proseso, ayon kay Santos, ay ang pangyayari sa mag-ama sa Pasay City na matapos madakip at ikulong ng pulis ay naibalita na lamang sa media na namatay ang dalawa nang mang-agaw ng baril sa pulis.

Sabi ni Santos, para sa PAHRA kaduda-duda ang rason ng pulis na lumaban sa kanila ang mga suspek kaya pinatay nila ang mga ito.

Idiniin ni Santos na hindi katanggap-tanggap ang madalas na idinadahilan ng mga pulis na lumalaban ang mga suspek kaya nila  napapatay ang mga ito.

Ipinaalala pa ng nasabing human rights advocate na ang mga napapatay ng mga awtoridad sa kanilang kampanya laban sa droga ay pawang mga ordinaryong mamamayan lamang at walang mga big-time drug lord.

You May Also Like