5.5 Milyong Batang Manggagawa

 

Ni: Nelson S. Badilla

 

IKAWALANG pagkakataon ko nang tatalakayin sa kolum ko (Linawin Natin) sa Tapat News online ang tungkol sa “batang manggagawa.”

Sa unang kolum, inilatag ko ang itsura ng batang manggagawa sa Pilipinas at kung ano ang nararapat gawin ng pamahalaan dito.

Ngayon, ipapakita ko ang napakaruming mukha ng batang manggagawa.

 

Pananamantala ang pagiging batang manggagawa

Sa depinisyon mismo ng Republic Act No. 7610 ay pananamtala nang maituturing kapag ang bata (14-taon-gulang) ay naghanap-buhay na.

Banggit kasi sa nasabing batas, ang batang manggagawa ay gawaing pang-ekonomiya ang pagpapatrabaho sa mga bata na nasa peligro ang buhay ng mga bata, o di kaya ay pagtatrabaho na mailalagay sa hindi magandang sitwasyon ang kalusugan ng mga bata, o di kaya mahahadlangan ang development ng pangangatawan, kaisipan, at sikolohikal na bahagi ng pagkatao ng mga bata.

Kaya, kapag nagtrabaho na ang bata ay siguradong hindi maipagkakailang ipinasok ang mga bata sa peligrong sitwasyon, sa makasisira sa kanilang kalusugan, at magpapabagal sa pag-unlad sa iba’t ibang aspeto ng kanilang pagkatao.

 

Higit 3 milyon

Sa rekord ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Labor and Employment (DOLE), 5.5 milyon ang batang manggagawa sa Pilipinas.

Sa bilang na iyan, higit 3 milyon ang nagtatrabaho sa pinakamasahol na porma ng batang manggagawa.

Ayon sa International Labor Organization (ILO), ang mga masahol na porma ng batang manggagawa ay ang mga sumusunod:

  1. ang pagiging alipin, o malapit sa pagiging alipin tulad ng child trafficking, sapilitang pagpapatrabaho sa bukid, o asyenda bilang bayad ng mga magulang sa utang ng mga ito sa panginoong maylupa, at maging pagrekrut sa bata na maging miyembro ng armadong organisasyon tulad ng New People’s Army (NPA), Moro Islamic Liberation Front (MILF), Abu Sayyaf Group (ASG), at iba pa;
  2. pagiging prostitute, kabilang ang paggampan ng gawaing pang-pornography;
  3. pagiging tulak ng bawal na gamot; at,
  4. anumang trabaho na makasisira sa kalusugan, kaligtasan ng buhay, at moralidad ng bata ay itinuturing na masahol na porma ng trabaho ng bata.

Lahat ng tinukoy ng ILO na masahol na klase ng trabaho ng bata ay makikita sa Pilipinas, maliban ang pagiging alipin.

 

Biktima sila!

Nakalaya na ang Pilipinas sa panahong ang anak ng magbubukid, o manggagawang bukid ay sapilitang pinagtrabaho sa bukid, o asyenda ng kanilang mga magulang bilang bayad sa pagkakautang nila sa panginoong maylupa o asindero.

Pero, sabi nga nina Atty. Jose Sony Matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) at Wilson Fortaleza, taga-pagsalita ng Partido Manggagawa (PM), ang pagkakasadlak ng higit 3 milyong bata sa masasahol na porma ng trabaho at maging ang 2.5 milyong batang manggagawa ay itinuturing nating biktima ng napalalang kahirapan ng bansa.

Maituturing na child trafficking kapag ang 12-taong-gulang, o iyong mas bata pa rito ay nirekrut at pinagtrabaho sa bahay-aliwan bilang mananayaw, o guest relation officer (GRO).

At kapag naging mananayaw, o GRO na sila ay isinusubo, o inilalapit ang mga bata sa prostitusyon.

Maraming ganyang mananayaw at GRO sa mga bahay-aliwan sa Metro Manila.

 

Ibinugaw ng mga magulang

Marami ring bata na napapasok sa pornography, na ayon sa ilang non-governmental organizations tulad ng International Mission for Justice – Philippines (IJM) na nagmomonitor sa ganitong gawain, ay mga magulang pa ng mga bata ang nagsisilbing bugaw sa kanilang mga anak.
Ang nakasusulasok ay mga magulang pa ang nagpasok saa kanilang mga anak sa pornography tulad ng dinesisyunan ng korte sa Cebu nitong Agosto 2016.

Ang katwiran umano ng mga magulang ay kumikita ang mga bata nang hindi naman nahahawakan ang kanilang maseselang parte ng katawan at lalong hindi aktuwal na nakikipagtalik sa customer ang kanilang mga anak, kaya hindi raw masama ang pagiging “sex object” ng kanilang mga anak.

Nakakainis ang ganitong mga magulang dahil napakarami namang nasaglak sa kahirapan, ngunit hindi pumasok sa isip nila ibugaw ang kanilang mga anak sa prostitusyon.

Isa pang kasamaan sa ating lipunan ay pasukin na rin ng mga bata ang pagtutulak ng bawal na gamot kaparis ng shabu.

Aminado ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may mga menor de edad na nagsisilbing “drug pusher.”

Maging ang pagtatrabaho sa bukid ay walang dudang masahol na klase ng trabaho para sa mga bata, sapagkat  pinagsamantalahan ang mga bata.

Ang mga batang manggagawang bukid ay naghihirap sa pagtatrabaho sa bukid tulad ng kung ano ang ginagawa ng matandang manggagawang bukid.

Tapos ang sinasahod ng mga batang manggagawang bukid ay mas mababa pa kumpara sa mababa nang sahod ng mga matandang manggagawang bukid.

Kapag nagtrabaho sa minahan, pihadong pinagsamantalahan din ang mga bata.

Napakahirap ng kanilang trabaho, delikado ang kanilang buhay, malapit sila sa sakit, at hindi ligtas ang kanilang, pagkatapos kakarampot lamang kikitain ng mga batang minero.

Kung hindi napagsasamantalahan ang mga bata sa pagtatrabaho nila sa minahan, hindi ko alam kung ano ang ibang tawag sa dinaranas nila.

 

Papel ng pamahalaan

Kapag hindi mapagpasyang aksiyunan ito ng pamahalaan mula ngayon hanggang 2022, tiyak lalong lalawak at lalalim ang ginagalawan ng mga batang manggagawa.

Hindi na lang ito mapapako sa 5.5 milyon kung sa susunod na mga taon ay magbibilang na uli ang PSA at DOLE.

 

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like