Tapusin na ang “batang manggagawa”

 

 

Ni: Nelson S. Badilla

 

 

NAPAKARAMING problema sa sektor ng maggagawa.

Isa na rito ay ang tungkol sa “batang manggagawa.”

Ngunit, nakatutok ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagbuwag sa kontraktuwalisasyon, o “endo” (end of contract) na kalakaran sa pagpapatrabaho ng mga kapitalista sa mga manggagawa.

Nakatutok sa kontraktuwalisasyon, dahil ito ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nangangampya pa lamang siya sa pagkapangulo 90-araw bago mag-eleksiyon noong Mayo 9.

 

 

Tahimik si Duterte sa batang manggagawa

 

Ngayong pangulo na si Duterte, nabanggit niya uli ang tungkol sa  kontraktuwalisasyon.

Binantaan pa nga niya ang mga negosyante na ipasasara ang kanilang mga kumpanya kung pananatilihin ang kontraktuwalisasyon.

Ngunit, hindi nagsalita si Duterte hinggil sa batang manggagawa.

Marahil, walang bumulong kay Duterte tungkol dito.

Ang masama, hindi rin nagsasalita ang DOLE tungkol dito.

Si DOLE Sec. Sylvestre Bello III ay abala ngayon sa usapang kapayapaan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na pinamumunuan ng pangkat ni Jose Ma. Sison.

Kung abala si Bello, palagay ko mayroon siyang inatasan na tututok sa kontraktuwalisasyon.

Pero, wala sa batang manggagawa.

 

 

Balewala na noon pa man

 

Kawawa talaga ang mga batang manggagawa, aping-api at labis-labis na ngang pinagsasamantalahan ng mga kapitalista, pero hindi dapat pabayaan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging manggagawa ang mga bata.

Dapat pinag-aaral sila ng pamahalaan na siyang karapatan nila bilang mga bata.

Ang paghahanap-buhay ay hindi ngayong bata pa lamang sila.

Sila ay dapat magtrabaho kung sila ay nasa hustong gulang na upang magtrabaho, upang buhayin ang kanilang sarili, at makatulong sa kanilang mga magulang.

Nitong nakalipas na administrasyon ni Benigno Simeon Cojuangco Aquino III, hindi binigyan ng kaukulang pansin ng DOLE ang problema sa batang manggagawa, kahit alam na alam nila Aquino at dating DOLE Sec. Rosalinda Dimapilis-Baldoz na napakaraming batang manggagawa sa Pilipinas.

Pinabayaan sila ng DOLE. Benalewala sila ng administrasyong Arroyo.

 

 

Ano ba ng batang manggagawa?

 

Kapag sinabing “batang manggagawa,” ito ay iyong mga batang 14-taong-gulang pababa na nagtatrabaho sa “kahit anong hanap-buhay, o gawaing pang-ekonomiya kung saan ipinasok at pinagtrabaho ang mga bata sa anumang porma ng pananamantala, o nailagay sa peligro ang kanilang kalusugan at kaligtasan ng kanilang pisikal, kaisipan, at sikolohikal na development” (malayang pagsasalin sa paliwanag sa English ng Republic Act 7610).

Ibig sabihin, ang pagiging manggagawa ng mga bata ay maitutuing na pang-aari at pananamantala.

Kung hindi sila magtatrabaho, hindi sila maaapi at mapagsasamantalahan.

Ang 15 hanggang 17 ay maituturing na bata, ngunit tinanggal sila sa kategorya ng batang manggagawa, sapagkat mayroong batas ang Pilipinas na pinahihintulutan silang maghanap—buhay, ngunit alinsunod sa ilang kondisyon.

Isa sa mga kondisyon ay dapat mayroon silang permit mula sa DOLE na nagsasabing payag ang kagawarang ito na maghanap-buhay ang 15-taong-gulang, o ang 17-taong-gulang.

Isa pang kondisyon ay hindi dapat magtrabaho ang bata na malalagay sa alanganin ang buhay.

Ang nilalaman ng RA 7610 at ang pagpayag ng pamahalaan na magtrabaho ang 15-17 taong gulang ay inampon ng Pilipinas mula sa International Labor Organization (ILO).

 

 

Halos parehas lang

 

Bilang mamahayag simula noong 1995, nasubaybayan ko bago ang pang-aapi at pananamantala ng mga kapitalista sa mga batang manggagawa.

Kung ano ang problema noong dekada 90 hanggang ngayong 2016 ay halos parehas din lang.

Simula 7-taong-gulang hanggang 17-taong-gulang ay puwersado nang magtrabaho dahil sa hirap ng buhay.

Kahit mas mababa pa sa manggagawa ang sinasahod nila ay tuloy lang silang nagtatrabaho, sapagkat hindi naman sapat ang sinasahod ng kanilang mga magulang.

Ang bago lang ay dami ng bilang ng mga batang manggagawa ngayon kumpara noong 1995, tindi at lalim ng pananamantala sa mga bata, at uri ng trabahong pinasukan.

Ngunit, sabi nga ng mga kaibigan ko sa hanay ng organisadong manggagawa tulad nina Wilson Fortaleza, Leody de Guzman, Alan Tanjusay, Renato Magtubo, at Atty. Jose Sonny Matula, walang ginawang mapagpasyang aksiyon ang pamahalaan upang pigilan ang pagdami at paglala ng pang-aapi at pananamantala sa batang manggagawa.

 

 

Magbilang at magkategorya

 

Ang ginawa lang ng DOLE ay magbilang at magkategorya.

Noong 1990s, umaabot lamang sa 3 milyon ang kabuuang bilang ng mga batang manggagawa sa bansa.

Malaki na ang bilang na ito kung ang kabuuang bilang ng mga bata sa panahong iyan ay 20 milyon.

Naging 4 milyon noong 2001 mula sa halos 25 milyong bata, ayon sa dating National Statistics Office (NSO).

Ayon sa DOLE at sa pumalit sa NSO na Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas sa 5.5 milyon ang bilang ng batang manggagawa noong 2011.

Ibig sabihin, 1.5 milyon ang naidagdag sa mga batang nagtatrabaho sa panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Sigurado ako na sobrang lala ng kahirapan sa Pilipinas sa nakalipas na anim na taon kahit pumalo sa 6.9% – 7% ang gross national product (GDP) sa nabanggit na panahon.

 

 

Hindi nagbilang

 

Kaya, tiyak lumaki rin ang bilang ng batang manggagawa.

Ngunit, hindi binilang ng PSA at DOLE, kaya hanggang ngayong 2016 ay 5.5 milyon pa rin ang gamit ng PSA at DOLE na istadistika.

Ang ibig sabihin nito, walang ginawa ang DOLE sa panahon ni Baldoz.

Hindi rin naman inutusan ni Aquino si Baldoz.

Nagsisimula pa lang ang administrasyong Duterte sa panunungkulan, pero lumilitaw na hindi nito inaasikaso ang batang manggagawa.

Siguradong-sigurado ako na napakalala ng problema sa batang manggagawa.

Siguradong-sigurado rin ako na mas marami pa sa 5.5 milyon ang batang manggagawa ngayong 20016 kumpara noong 2011.

 

 

Tapusin na ang batang manggagawa

 

Kaya, panawagan ko kay Pangulong Duterte at Secretary Bello na maglagay ng undersecretary sa DOLE na nakatutok sa batang manggagawa.

Kapag ginawa ito, walang ibang ibig sabihin ito, kundi binibigyang halaga ng administrasyong Duterte ang batang manggagawa.

Panahon nang tapusin ang batang manggagawa ngayong isinasalarawan ni Duterte na siya ay isang “sosyalista.”

Kapag sinabing sosyalista, tiyak ayaw mo ng pagsasamantala, tiyak kontra ka sa pang-aapi, kahit ang depinisyon ni Duterte ng sosyalista ay hindi kasing talas ng inilatag na kahulugan nina Karl Marx at Vladimir I. Lenin.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like