44 Homicide Charges, Ikinaso laban kay Noynoy

MATINDI talaga ang galit hanggang ngayon ng ilang kamag-anak ng mga namatay na 44 na komando ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) kay dating Pangulong Benigno Aquino III dahil ilang oras matapos ang termino niya ay sinampahan siya ng 44 kaso ng homicide sa Office of the Ombudsman.
 
Kasama rin sa kaso sina dating hepe ng PNP na si Alan Purisima at dating pinuno ng SAF na si Getulio Napeñas Jr.
 
Ang mga naghain ng 36-pahinang reklamo sa Office of the Ombudsman ay sina         
Erlinda Alliaga (nanay ng namatay na si PO 3 Robert Alliaga) at Warlito Mejia, (tatay ng namatay na si PO2 Ephraim Mejia).
 
Todo-suporta naman ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa pamumuno ni Dante Jimenez.
 
Ang abogado ng nangsipagreklamo ay si Atty. Ferdinand Topacio.

Propellerads

 
Idiniin nina Alliaga at Mejia na karapat-dapat lamang na kasuhan sina Aquino, Purisima, at Napenas sa pagkamatay ng kanilang mga anak.
 
Ang mga anak ng dalawa ay bahagi ng 44 miyembro ng SAF na namatay nang makipagbarilan ang mga ito sa mga armadong grupo ng mga Muslim, kabilang na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015 sa gitna ng pagtugis sa mga teroristang sina Zulkifli bin Hir alias Marwan at Abdul Basit Usman.
 
Napatay si Marwan sa naturang operasyon.
 
Pagkaraan ng iilang linggo ay si Usman naman ang namatay sa isang engkuwetro laban sa mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
 
Tiniyak noon ni Napenas sa imbestigasyong naganap sa Senado na alam na alam ni Aquino ang operasyong tinawag na “Oplan Exodus” laban sa dalawang terorista.
 
Idiniin din ni Napenas na kasama si Purisima sa buong plano ng Oplan Exodus kahit na suspendido ito sa pagiging hepe ng PNP.
   
Kumbinsido si Topacio na malakas ang kailang ebidensiya laban sa tatlo, lalo kay Aquino, kaya maiaakyat sa Sandiganbayan ang 44 kasong homicide laban sa kanila.
 
“Ang kaibahan po nito ay makikita na natin ang mga karagdagang mga ebidensya. Amin pong hinihiling sa Ombudsman ay tignan po ang conclusion ng mga report – ng Senado at ng PNP, maliwanag na maliwanag doon na sinabi nila na si Aquino ay may liability,” paliwanag ni Topacio.
 
Kamakilan, sinabi na ng Office of the Ombudsman na naglunsad na sila ng “motu propio investigation” kung saan lumitaw na walang sapat na ebidensiyang magdidiin kay  Aquino.
 
Iminungkahi ng Ombudsman ang paghahain ng “graft and usurpation of authority cases” laban kina Purisima at Napeñas sa Sandiganbayan mismo.
 
Idiniin ni Topacio na “Yung reckless imprudence resulting to homicide, kapabayaan ito. Negligence, imprudence, lack of foresight and lack of skill. Wala pong criminal intent na patayin, ngunit dahil po sa kapabayaan ay may namatay po.”
 
“Wala po itong iniwan sa isang nagmamaneho ng sasakyan, na sa kapabayaan niya ay may nasagasaan at namatay. Siya (Aquino) po ang nagmamaneho ng estado, siya po ang nagmamaneho ng kapulisan. Siya po ay naging pabaya sa pagmamaneho. Namatay po ang 44 na pulis. Siya po ay dapat managot,” patuloy ng abogado.
 
Ang taong nakasuhan ng Reckless Imprudence Resulting in Homicide ayon sa Revised Penal Code (RPC) ay mabibilanggo ng anim na buwan bawat isang asunto.
 
Ipinaubaya na ni Aquino ang kaso sa kanyang mga abogado.
 
Si Aquino ay ngayon lamang sinampahan ng kasong kriminal, sapagkat ayon sa batas ng Pilipinas, hindi maaaring kasuhan ang Pangulo ng bansa habang ito ay nakaupo sa puwesto.
 
Maaari lamang kasuhan ng kaso ang pangulo kapag natapos na ang kaanyang termino tulad ng nangyari ngayon kay Aquino. (May dagdag-ulat si Joel Amongo)

You May Also Like