4,000 Lalahok sa ‘Mindanao Environment Summit’

 

 

Ng: Tapat News Team (TMT)
 
TINATAYANG 4,000 ang dadalo sa ilulunsad na Environment Summit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Davao City sa Agosto 4 at 5.
 
Ayon kay DENR Sec. Regina Lopez, layunin ng dalawang araw na pagtitipon ay upang makapagbalangkas ng mga kongkretong solusyon sa napakaraming suliranin sa kapaligiran at kalikasan ng Mindanao.
 
Kaisa ng DENR ang Ateneo de Davao University AdDU) sa pag-aayos ng summit na ilulunsad sa kampus ng nasabing unibersidad.
 
Katunayan, si AdDU President Fr. Joel Tabora ang magpa-facilitate ng summit.
 
Ang 4,000 kalahok ay manggagaling sa iba’t ibang samahan at sektor mula sa anim na rehiyon ng Mindanao na pawang mataas ang antas ng pagmamalasakit sa kapaligiran at kalikasan.
 
Batid ng DENR at ng iba pang samahan na malaki ang problema ng Mindanao pagdating sa kapaligiran, dulot ng malawakang pagmimina at iligal na pagtotroso.
 
Ang mga pagmimina at pagtotroso ay malaking perhuwisyo sa kabuhayan, kalusugan, at pamayanan ng mga taga-Mindanao.
 
Ang dalawang pangunahing suliraning ito ay hindi pinagtuunan ng pansin ng nakalipas na pamunuan ng DENR, sapagkat pawang mga mapera at maimpluwensiyang kumpanya ang mga nagmimina at nagtotroso.
 
Ayon kay Lopez, ang summit ay magandang pagkakataon upang ang “Participants will know more about the DENR’s programs and understand them better.”
 
Pagkakataon din para sa “stakeholders to present ways for us to strengthen program implementation,” tugon pa ng kalihim.
 
Higit sa lahat, “The most important thing is, everything will be interactive and will allow all stakeholders to foster a closer working relationship. This is also a step for the DENR in embarking towards being more than regulatory, but an activator of change,” diin ni Lopez.
 
Umaasa ang kalihim na ang summit ay makatutulong nang malaki upang masolusyunan ang mga suliranin sa kapaligiran ng Mindanao.

You May Also Like