4 Sports Officials 10 Taon sa Bilibid

 

 

 Ni: Joel O. Amongo
 
MAKSIMUM na sampung taon makukulong ang apat na mga dating opisyal ng Philippine Sports Commission (PSC) dahil sa korapsyon.
 
Ang mga makukulong, ayon sa desisyon ng Sandiganbayan ay sina dating PSC Deputy Executive Director Cesar Pradas, Simeon Gabriel Rivera, Marilou Cantancio, at Eduardo Clariza.
 
Sila ay makukulong mula anim hanggang 10 taon makaraang mapatunayan silang lumabag sa Seksyon 3 (e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
 
Batay sa rekord ng Sandiganbayan, ang kasalanan nina Pradas, Rivera, Cantancio, at Clariza ay tungkol sa maanumalyang pagbili ng mga kagamitan para sa grupo ng mga siklistang Pilipino na kalahok sa Southeast Asin Games na isinagawa noong 2007.
 
Napatunayan sa paglilitis sa Sandiganbayan na ang P2.3 Milyong kontrata sa bisekleta na ipinagkaloob sa Alixir Sports ay overpriced ng higit sa P671,200.00.
 
Hindi dumaan sa public bidding ang pagkapanalo ng Alixir Sports sa P2.3 Milyon, saad ng Sandiganbayan.
 
Idiniin ng Sandiganbayan na malakas ang ebidensiya laban sa apat, kaya hinatulan sila na makulong ng anim hanggang 10 taon.

You May Also Like