Poe babantayan si Digong sa emergency powers

 

 

Ni: Marites Badilla
 
PABOR ang mga senador na bigyan ng “emergency powers” si Pangulong Rodrigo Duterte upang agresibo at mabilis na resolbahan ang matinding problema sa trapik.
 
Ngunit, idiniin ni Senadora Grace Poe, pinuno ng Senate Committee on Public Services, na kailangang tiyakin ng Senado na mayroong oversight committee na magbabantay kay Pangulong Duterte upang masiguradong hindi ito aabuso sa emergency powers na ibibigay sa kanya.
 
Ang Senate Committee on Public Services ang nangunguna sa pagdinig ng mga senador sa hinihinging emergency powers ng Department of Transportation (DOTr) para kay Duterte.
 
Hinihiling ng DOTr ang emergency powers upang bumilis at maging agresibo ang pagresolba sa trapik sa bansa, lalo na sa Metro Manila.
 
Ayon sa pag-aaral, higit P2 Bilyon ang nawawala sa ekonomiya ng bansa dahil sa trapik.
 
Idiniin ni Poe na ang pagkakaroon ng oversight committee ay magsisilbing bantay ng lehislatura sa ehekutibo.
 
Ang oversight panel ay bubuuhin ng mga piling kasapi ng Senado at mga piling kasapi rin ng Kamara del Representatives.
 
Dalawa hanggang tatlong taon ang posibleng ibigay na emergency powers ng Kongreso kay Duterte.
 
Ayon kay Poe, ang oversight committee ng Kongreso ay isa sa mga kondisyon bago ibigay  ng Kongreso ang emergency powers sa Pangulo.
Idiniin din ng mambabatas na tinalo ni Duterte sa eleksyon na suportado niya ang emergency powers, ngunit naniniwala siyang hindi maaaring mawalan ng papel ang Kongreso sa babantay sa Pangulo.

You May Also Like