Bangkay ng tulak ng shabu iniwan sa gilid ng simbahan

Ng: Tapat News Team (TMT)
 
BANGKAY ng pinaniniwalang tulak ng shabu sa Navotas ay natagpuan sa gilid ng simbahang Katolika ngayong madaling-araw ng Miyerkules.
 
Ayon sa rekord ng Philippine National Police (PNP) ng Navotas, ang bangkay ng tinatayang 25-taong-gulang hanggang 30 ay nakita sa gilid ng simbahan ng San Roque.
 
Tatlo ang tama ng bala ng biktima, 2 sa ulo at isa sa dibdib, ayon pa sa ulat—dahilan ito para sabihing biktima ng summary execution ang pinaslang.
 
Pinaniniwalang isa sa mga tulak ng shabu ang biktima, sapagkat ayon sa parehong rekord ng PNP – Navotas, may ilang plastic sachet na naglalaman ng shabu ang nakuha ng mga pulis sa bulsa ng pantalon ng biktima.
  
Ang biktima ay payat, nasa 5’2” ang taas, at maraming tattoo sa katawan.
 
Nakasumbrero, nakasuot ng pantalon, at t-shirt ang biktima nang matagpuan ito ng ilang residente sa gilid ng simbahan ng San Roque.
 
Sa parehong rekord ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang Navotas City na matagal nang kontrolado ng mga Tiangco ay isa sa 16 na lungsod sa Metro Manila kung saan napakatalamak ng bentahan ng shabu.

You May Also Like